POSIBLENG magtagal ng hindi bababa sa 30 araw ang NBA shutdown dahil sa coronavirus 2019 (COVID-19) pandemic, ayon kay league Commissioner Adam Silver.
“What we determined today is that this hiatus will be, most likely, at least 30 days,” pahayag ni Silver sa TNT’s “Inside The NBA” program.
Sinuspinde ng NBA ang mga laro noong Miyerkoles makaraang magpositibo si Utah Jazz center Rudy Gobert sa COVID-19.
Ang ikalawang Jazz player, si Donovan Mitchell, ay iniulat na positibo rin sa virus.
Ang regular season ay nakatakdang magtapos sa Abril 15 kung saan magsisimula ang playoffs sa Abril 18.
Walang ipinahiwatig si Silver kung kinokonsidera ng liga na paikliin ang regular season o ang playoffs, at sa halip ay sinabi na mahirap malaman sa ngayon kung ano ang maaaring maging opsiyon.
“Once the 30 days is up, the question becomes is there a protocol, frankly, with or without fans, where we can resume play,” aniya.
Tinalakay ni Silver ang mga pag-uusap ng league officials, teams at players union representatives bago nagpositibo si Gobert sa virus hinggil sa contingency plans sa harap ng paglobo ng kaso ng coronavirus sa United States.
“Up to a few days ago or even yesterday, the experts were unclear as to whether, as a public health matter, NBA arenas should be emptied,” aniya.
Noong Miyerkoles ay nakipag-usap ang mga league official sa mga koponan upang malaman ang kanilang pananaw sa posibilidad na maglaro na walang fans o magpahinga muna.
Ang desisyon ay naging dramatiko makaraang kanselahin ang laro ng Utah laban sa Thunder sa Oklahoma City noong nakatakda pa lamang itong magsimula at pinalabas ang fans sa arena.
Makalipas ang ilang sandali, inanunsiyo ng NBA na nagpositibo ang isang Jazz player sa COVID-19.
Comments are closed.