(Dahil  sa COVID-19 patients) HOSPITALS NASA DANGER ZONE NA

USec Ma Rosario Vergeire,

Kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na umabot na sa ‘danger zone’ ang kapasidad ng mga pagamutan sa bansa sa pangangalaga sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang ‘danger zone’ ay nangangahulugan na okupado na ng mga pasyente ang mahigit sa 70% ng mga hospital beds na inilaan para sa COVID-19.

Sinabi niya na ang mga public hospital sa Metro Manila ay naglaan ng may 20 porsiyento ng kanilang kapasidad para sa COVID-19 patients habang ang private hospitals naman ay naglaan ng siyam na porsiyento.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Vergeire sa publiko na magbubukas ng mga bagong unit ang mga medical center para makapag-accommodate ng iba pang mga pas­yente ng sakit sakaling kailanganin.

“Katulad ng nabanggit ni Dr. (Rustico) Jimenez and (DOH) Usec. (Leopoldo) Vega yesterday, we are in the danger zone. Ibig sabihin more than 70 percent na po ang utilization ng COVID beds natin,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa radyo.

Kinausap na rin aniya ni Health Secretary Francisco Duque III ang namamahala sa mga pagamutan at hiniling na palawakin pa ang kanilang COVID-19 units, sakaling magpatuloy ang pagdami ng COVID-19 cases.

“Ito naman ay sinusunod. Katulad last week, nakita natin na talagang nagbubukas na ng units ang ating mga ospital dito sa Maynila para ma-accommodate ang mga pasyente,” aniya.

Nauna rito, dalawa pang pribadong pagamutan sa bansa ang nagkumpirma nitong Lunes na ang kanilang intensive care unit (ICU) beds para sa COVID-19 patients ay umabot na sa “full capacity” nito.

Samantala, sinabi naman ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na nasa ‘danger zone’ na sila.

Ayon kay Dr. Rustico Jimenez, ang pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), nasa 10% na ng may 400 private hospitals sa Metro Manila ang nakaabot na sa full capacity sa pag-accommodate ng COVID-19 patients.

Aminado siya na hindi kayang ialok ng mga pribadong pagamutan ang 30% ng kanilang kapasidad para sa COVID-19 patients dahil kinukulang na sila ng health workers, na karamihan ay nahahawa na rin ng karamdaman sa kanilang mga pasyente.

Dahil dito, ang mga mayroon lamang naman anilang mild na sintomas o ‘di kaya ay asymptomatic ay pinapayuhan nilang sa quarantine centers muna ng pamahalaan magpa-admit o mailipat upang maa­lagaang mabuti ng mga private hospital ang mga COVID-19 patients na malala ang karamdaman.

“Marami po’ yung health workers natin natatamaan ng COVID. Magpapahinga ng 14 days, kinukulang tayo ng health workers kaya ‘di rin natin mapo-provide yung 30 percent,” aniya.

Nabatid na hanggang nitong Lunes ng hapon ay nakapagtala na ang Filipinas ng 57,006 COVID-19 cases, kung saan 20,371 ang nakarekober at 1,599 ang binawian ng buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.