(Dahil sa COVID-19) PRACTICE FACILITIES NG BUCKS ISINARA

BUCKS

ANG NBA-leading Milwaukee Bucks ang naging pinakabagong koponan na nagsara ng practice facility sa gitna ng coronavirus testing, ayon sa ESPN.

Iniulat ng US sports network na isinara ng Bucks ang pasilidad makaraang matanggap ang resulta ng COVID-19 tests na isinagawa noong Biyernes, bagama’t hindi malinaw kung ilan ang maaaring nagpositibo.

Batay sa report, hindi papayagan ng koponan ang mga player na mag-ensayo hanggang sa kanilang pag-alis sa Huwebes patungong Florida, kung saan plano ng NBA na ipagpatuloy ang paglalaro sa isang quarantine environment sa Walt Disney World sa Orlando simula sa Hulyo 30.

Nangunguna ang Bucks sa NBA na may record na 53-12 nang suspendihin ang liga noong Marso 11 dahil sa coronavirus pandemic.

Darating sila sa Orlando na naghahangad ng unang NBA title magmula noong 1971.

Ang Bucks ang pinakabagong NBA team na itinigil ang individual workouts sa kanilang practice facilities dahil sa banta ng coronavirus matapos ang Los Angeles Clippers, Denver Nuggets at Miami Heat.

Ang season ay nakatakdang magpatuloy sa Hulyo  30 na may 22 koponan na mag-aagawan sa posisyon sa 16-team playoffs na magsisimula sa Agosto 17.

Comments are closed.