MAY lumabas na ulat kamakailan na tila nagbabago na ang tinatawag na ‘trending’ sa nangangarap na magkaroon ng tirahan. Kitang kita naman na sunod-sunod ang mga pagtatayo ng mga condominium sa mga tinatawag na central business district o CBD. Ito ay makikita sa mga lungsod ng Makati, Taguig, Mandaluyong, Pasig, Manila at Quezon City. Ito ay ang mga piling lugar sa Metro Manila kung saan naging sentro ng negosyo.
Marami dati ang naghahanap ng condominium units sa mga nasabing lugar bilang tirahan dahil malapit sa kanilang trabaho. Ang iba naman ay bumibili ng mga unit ng condominium bilang investment o kaya ay ginagawang paupahan.
Subali’t matapos na magkaroon tayo ng ECQ, tila nag-iba ang ihip ng hangin. Ayon sa Lamudi, isang online property marketplace, simula noong buwan ng Marso, nag-iba na raw ang gusto ng mga nais bumili ng tahanan. Dati ay condominium units, nguni’t ngayon ay mga pabahay na medyo malayo sa CBD.
Ang kakulangan daw ng pampublikong transportasyon ang isa sa pangunahing dahilan dito. Mas nais daw nila na mailayo ang kanilang sarili at pamilya sa maaring pamugaran ng sakit na COVID-19. Dagdag pa rito ay ang karamihan ay nasa ‘work-from-home’ na hindi na kailangang manirahan na malapit sa kanilang pinagtatrabahuan.
Subali’t ayon sa Lamudi, maaring pansamantala lamang itong paglipat ng kagustuhan na magkaroon ng condominium unit kapag ang nasabing pandemya ay mahanapan ng lunas o gamot sa mga susunod na buwan o taon.
Kaya naman wala pa raw kasiguraduhan kung magpapatuloy ang nasabing paglipat ng demand mula condominiums sa mga pabahay na malayo sa CBD. Malinaw ang epekto ng COVID-19 sa sektor ng real estate. Marami ang mga nakatengga na mga ginagawang condominiums sa Metro Manila. Ang mga ibang natapos na proyekto naman ay nahihirapang makabenta ng kanilang units.
Ayon sa ulat ng Lamudi, ang laki ng ibinaba sa kanilang website lead sa mga interesadong makaalam ng maayos at murang tirahan na naghahanap ng condominium o apartment. Simula raw nitong buwan ng Hunyo, mas tumaas ang bilang ng mga naghahanap ng bahay imbes na apartment o condo dahil nga sa bagong polisiya na ‘work-from-home’ upang makaiwas sa COVID-19.
Comments are closed.