QUEZON-MATAPOS ang mahabang pagpapalitan ng opinyon, panukala at suhestiyon sa pagitan ng LGU Joint Inspection Team, Sangguniang Barangay ng Lawigue at pamunuan ng Lord of Mercy Poultry Farm sa pulong na ipinatawag ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Tayabas nitong Miyerkules ay lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) si Tayabas City Mayor Ma.Lourdes”Lovely” Reynoso-Pontioso at poultry farm owner Edmundo Pardilla.
Nakasaad sa MOU ang mga panuntunang susundin ng poultry farm kaugnay ng kanilang operasyon na tututok sa loading of chicks; kalinisan ng buong farm; pest control; harvest time; after harvest; wastewater discharge; disposal of chicken manures; and joint inspection team monitoring and inspection with proper documentation from loading throughout the whole growth.
Mahigpit na nakasaad sa kasunduan na anumang violation o hindi pagtupad ng pamunuan sa mga probisyon ay may katapat na penalty katumbas ng dalawang buwang suspensyon sa operasyon ng farm sa unang paglabag; 6-buwan suspensyon sa second violation at ang pangatlong paglabag ay magreresulta sa revocation of Business Permit, Sanitary permit, at iba pang mga permits.
Kabilang sa mga sumaksi sa paglagda sa MOU sina Lawigue Barangay Chairperson Juanito Obdianela at Vetripharm Inc. Operations Manager Jake Cabarrubias.
Umaasa ang pamahalaang lokal na susunod ang pamunuan ng nasabing poultry farm sa nilagdaang kasunduan at magreresulta ito sa pagsugpo sa pagdami ng langaw na matagal ng namimerwisyo sa mga residente ng nasabing lugar.
Napagkasunduan din sa nasabing pulong na ihaharap ang kahalintulad na MOU sa dalawa pang poultry farms sa naturang barangay upang kagaya ng Lord of Mercy Poultry Farm ay makasunod din sila sa mga panuntunan. BONG RIVERA