NAGDEKLARA ang municipal government ng Bulalacao, Oriental Mindoro ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño phenomenon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa report ng NDRRMC, nagpalabas ang Bulalacao government ng resolution para sa deklarasyon ng state of calamity noong Lunes.
Batay sa report, tuyo na ang mga ilog at bukid sa naturang bayan, na nakaapekto sa suplay ng tubig at mga pananim.
“Sa kasalukuyan ay may humigit kumulang na 500 ektaryang taniman ng sibuyas na may 575 magsasaka, 539.1 ektaryang taniman ng palay na may 545 magsasaka, at 20.2 ektaryang iba pang mga pananim na may 28 magsasaka ang apektado,” pahayag ng Bulalacao government.
Dahil dito ay naghuhukay ngayon ng tubig ang mga magsasaka upang isalba ang kanilang mga pananim.
Samantala, iniulat ng NDRRMC na umabot na sa P865,161,689 ang pinsala sa agrikultura sa Ilocos, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Zamboanga dahil sa El Niño.
May kabuuang 15,341 magsasaka at mangingisda at 13,521 ektarya ng pananim ang apektado.
Anim na barangays sa Himamaylan, Negros Occidental ang iniulat na may kakulangan sa tubig para sa drinking at agricultural use magmula noong Disyembre 2023. Idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng El Niño phenomenon noong Hulyo 4 ng nakaraang taon. Inaasahang tatagal ito sa Mayo.