(Dahil sa El Nino phenomenon) TEMPERATURA PAPALO SA 40 DEGREES CELSIUS

BUNSOD ng umiiral na El Nino phenomenon, ibinabala ni Philippine Atmospheric and Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA)- Climatology and Agro-meteorology Director Liza Solis na posibleng pumalo ng hanggang 40 degrees Celsius ang temperatura.

Nangangahulugan ito na maaring pumalo naman sa 47 degrees Celsius ang heat index o alinsangan na mararamdaman ng sangkatauhan.

Gayunpaman, sinabi ni Solis na ang nasabing antas ng temperatura ay magaganap sa Cagayan Valley habang sa Metro Manila ay hanggang 37 degrees Celsius.

Ang pagsukat ng heat index ay pagdagdag ng lima hanggang pitong degrees Celsius sa temperatura.

Sa ginanap na QC- Journalist forum nitong Huwebes, payo ni Solis sa publiko na iwasan na muna ang paglabas ng bahay kung walang gagawin lalo na ang may mga karamdaman tulad ng hypertension.

Aniya, hindi dapat maglalabas ang publiko mula buwan ng Abril hanggang Mayo dahil sa maalinsangang panahon dulot ng El Nino.

Dagdag pa ni Solis, noong Oktubre, 2023 naramdaman ang epekto ng El Niño kaya walang naramdamang ulan pagpasok ng Enero ngayong taon.

Ipinayo rin ni Office of the Civil Defense Spokesperson Edgar Posadas ang ibayong pag-iingat dahil may malaking epekto ang maalinsangang panahon sa kalusugan ng tao.

Tinukoy nito ang mga taong dapat na magdagdag ng pag-iingat gaya ng mga hypertensive, diabetic at maging ang mga bata.
EUNICE CELARIO