(Dahil sa gusot sa Manila Port) SUPLAY NG PAGKAIN, GAMOT NADE-DELAY

IMEE MARCOS

NANGANGAMBA si Senadora Imee Marcos na malagay sa alanganin ang kalusugan at maging ang suplay ng pagkain ng mga taga-Metro Manila kung hindi agad mareresolba ang gusot sa pantalan ng Maynila habang patuloy na kinokontrol ng gobyerno ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay  Marcos, nananatiling  nakatengga lang sa Manila International Container Terminal (MICT) ang mahigit sa 800 na 20-foot refrigerated container vans o ang tinatawag na reefers na may lamang mga imported na gamot, pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan.

Ang nasabing  reefers ay kabilang sa halos 40,000 container vans na hindi pa rin nailalabas at kasalukuyan pa ring nakatambak sa MICT bunsod ng gusot sa pagitan ng mga ahensiya ng gobyerno, port operator at shipping line,  gayundin ng mga importer, broker, forwarder at trucker.

Duda ng senadora, pinatatagal lang ng mga importer at mga ahente na nakaimbak ang kanilang mga kargamento sa MICT para tumaas ang presyo nito bunsod ng matinding pangangailangan ng publiko.

Iginiit ng mga broker na  pumapalo sa P20,000 ang nalulugi sa kanila kada araw sa bawat container van na nananatiling nakatengga lang sa pantalan dahil bumagal ang pagproseso ng kanilang mga dokumento at bayarin bunsod ng ipinatutupad na lockdown.

Bukod dito, dagdag delay rin, aniya,  sa mga broker ang problema sa computer system ng Bureau of Customs (BOC) dahil natatagalang iproseso ang kanilang mga nabayarang buwis sa mga kaukulang bangko.

Kaya para mapakalma ang sitwasyon, hinimok ni Marcos ang Philippine Ports Authority (PPA) na huwag munang maglabas ng anumang joint memorandum circular na magpapatupad ng mas mahigpit na restriksiyon sa pag-iimbak ng kargamento at dagdag na multa sa mga overstaying na kargamento.

“Bayanihan muna tayo, puwede ba? Dahil taumbayan ang napaparusahan sa ganyang bangayan,” giit ni Marcos.

Naniniwala si Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na kung magkakaroon ng pansamantalang suspensiyon sa mga import-related na bayarin at multa habang may lockdown ay maiiwasang tumaas ang presyo ng mga imported na gamot at pagkain, dahil hindi na maipapasa sa mga mamimili ang dagdag na bayarin.

Ayon pa kay Marcos, sakaling pansamantalang maalis ang mga bayarin sa pag-iimbak o sa hindi agad masunod na petsa sa pagbaba ng mga kargamento ay mas magpapadali sa mga broker na mailabas agad ang kanilang mga kargamento sa MICT. VICKY CERVALES