BULACAN – KINAUSAP ni dating AFP Chief of Staff Sec. Carlito Galvez Jr., Presidencial Adviser on Peace, Reconciliation and Unity and Cabinet officer for regional development and Security, at ni 7th ID Commander Lenard T. Agustin si Ka LJ ang batang amasona.
Dahil sa matinding hirap at gutom sa kabundukan, nagdesisyon si Ka LJ, Ka Supremo, na sumuko sa militar ng 48th infantry Battalion ng 7th Infantry Division ng Philippine Army.
Si Ka LJ ay miyembro ng Bulacan/Narciso Antaso Amiril Command na kumikilos sa Rizal, Bulacan.
Ayon sa 18-anyos na may mga alyas na LJ, Ka Supremo, at Ka Lovely, tinakot niya ang kanyang leader na si Ka Elmer, na pasasabugin niya ang hawak niyang granada kung hindi siya papayagan na makatakas.
Isa sa dahilan ng kanyang pagsuko ang sitwasyon nilang mag-ina kung mananatili sila sa kabundukan.
Aniya, mayroon pa siyang kasamahan na higit 100 kabataan na nahimok ng NPA, na ang pinakabatang edad ay 13 hanggang 17 na nagmula sa grupong Akbayan at Kadamay.
Pahayag ni Ka LJ, na edad 15 siya mula sa grupong Kadamay nang mahikayat siyang sumama sa hukbo dahil sa magagandang pangako tulad ng pabahay at matàas na suweldo.
Subalit natuklasan niya na hindi pala ito totoo at puro panlilinlang lamang.
Iginiit nito na ayaw niyang danasin ng kanyang anak ang hirap na kanyang pinagdaanan, lalo na sa training.
Bukod sa hirap ng training ay madalas gutom sila at may kasama pang pagmumura sa kanila kapag hindi sila nakasusunod sa training.
Bunsod nito ay hinikayat ni Ka Lj, ang kanyang mga kasamahan na sumuko na lamang dahil walang kinabukasan na naghihintay para sa kanila kung mananatili sila sa kilusan.
Samantala, iba’t ibang uri naman ng baril at bala ang nakumpiska ng Tarlac police sa leader ng NPA na si Lolo Ceferino Bautista y Cariaso, 70-anyos, alyas Ka Maning at Ka Cedrick.
Naaresto si Ka Cedrick sa pamamagitan ng search warrant sa bayan ng Gerona Tarlac, na miyembro ng Banahaw Command. THONY ARCENAL
Comments are closed.