LAGUNA- INILABAS ng Inter Agency Task Force ang panibagong classifications sa CALABARZON para sa COVID-19 kung saan inilagay sa Alert level 1 ang mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Batangas at Rizal kasama na rin sa listahan ang lungsod ng Lucena sa Quezon.
Ito ay batay na rin sa inilabas na impormasyon ng Philipline Information Agency- CALABARZON kahapon base sa datos ng ahensiya ng ilang kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Labing- pitong lungsod at munisipalidad sa lalawigan ng Quezon ang nasa ilalim din ng alert level 1 kabilang ang Alabat, Atimonan, Candelaria, City of Tayabas, Dolores, Lucban, Mauban, Padre Burgos, Pagbilao, Perez, Tiaong, Plaridel, Polillo, Quezon, Sampaloc , San Antonio at Unisan.
Inilagay naman sa alert level 2 ang iba pang munisipalidad ng Quezon.
Samantala, maghihigpit naman ang lokal na pamahalaan ng Nagcarlan, Laguna sa mga biyaherong galing China simula Enero 14 dahil sa ulat na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa naturang bansa.
Sa memorandum circular No.1- 2023, nilagdaan ni Mayor Elmer Vitangcol Vista na kinakailangang sumailalim sa Rapid Antigen test (RT- PCR) test ang mga residente ng Nagcarlan na galing China, bukod pa sa mandatory 7 days home quarantine.
Inatasan din ni Mayor Vista ang Municipal Health Officer na imonitor ang sinuman residente ng Nagcarlan na galing China. ARMAN CAMBE