UMABOT na sa mahigit P7 bilyon ang kita na nawala sa gobyerno dahil sa iregularidad sa National Value Verification System (NVVS) ng Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, aabot sa P7.8 billion ang dapat na kitang makokolekta ng pamahalaan mula July 2019 hanggang January 2020.
Dahil sa mga katiwaliang natuklasan sa NVVS, bumuo ng joint task force committee ang technical working group ng Committee on Ways and Means at ang BOC para pag-aralan ang mga hakbang na gagawin upang mahinto ang mga pang-aabuso rito.
Katunayan, sumulat ang BOC sa komite para makiusap na payagan muna ang paglalatag ng safety measures bago pag-isipan ang pagpapatigil sa operasyon ng NVVS.
Lumabas sa pagdinig na hindi na iniinspeksiyon ang mga kargamentong pumapasok sa bansa dahil ang mga ito ay dumadaan sa Super Green Lane at may mga accredited importer na hindi kailangang dumaan pa sa inspeksiyon sa Aduana.
Bukod sa hindi lahat ay dumadaan sa inspeksiyon ng NVVS, nakadepende pa kung sino ang mag-i-input ng data sa system kaya lantad ito sa negosasyon na siyang pinag-uugatan ng korupsiyon sa BOC. CONDE BATAC
Comments are closed.