(Dahil sa Kanlaon eruption) STATE OF CALAMITY SA NEGROS OCCIDENTAL

DAHIL sa tindi ng epekto ng pagsabog ng Kanlaon volcano na pagbuga ng abo at usok na nakaapekto sa libong pamilya, idineklara ang state of calamity sa Neg­ros Occidental.

Ang deklarasyon ay ginawa ng Sangguniang Panlalawigan kahapon ma­tapos ang special session nito kung saan inaprubahan ang naging rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction And Management Council (PDRRMC).

Sa pamamagitan ng deklarasyon, mapapabilis ang paglalabas ng pondo para matulungan ang mga apektadong residente.
Bukod dito, agad din makakapagpatupad ng price freeze sa mga basic necessities at prime commodities gayundin ang activation ng quick response fund (QRF).

Ayon naman sa Office of Civil Defense (OCD) sa Western Visayas, umabot na sa 17,216 na indibidwal sa lalawigan ang naapektuhan ng pag­sabog ng bulkan.

Sa nasabing bilang, 3,600 indibidwal ang nasa evacuation centers habang 700 naman ang nasa kani-kanilang mga kamag-anak.

Umabot na rin sa P129 milyon ang inihandang standby fund ng Department Of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga apektadong residente. kasama rito ang food at non-food items.

EUNICE CELARIO