(Dahil sa ‘koryenteng’ paratang — Castro) PING DAPAT MAG-SORRY SA KAMARA

Fredenil Castro

IGINIIT ni Capiz Cong­ressman Fredenil Castro ang pag­hingi ng paumanhin ni Sen. Panfilo Lacson sa buong institusyon ng Kamara de Representante at sa mga mambabatas nito dahil sa kanyang mga mali at walang basehang paratang na may mga dagdag na pondo diumano ang nakalakip sa proposed 2020 national budget para  umano  sa mga deputy speaker at iba pang kongresista.

Bilang kinatawan ng Kamara, sinabi ni Castro na dapat na agad na mag-sorry si Lacson dahil napatunayan palang “wala naman ni katiting na  katotohanan”  ang mga alegasyon niyang may P1.5 bilyong dagdag na pondo daw ang bawat deputy speaker, at P700 million ang bawat kongresista sa 2020 national budget.

“Tulad ng nauna ko nang nasabi, hindi tayo mga batang musmos dito sa Kongreso na basta na lang magtuturo at magbibintang nang walang basehan. Ang u­nang pinakamarangal na ga­win ni Senador Ping Lacson ngayong nakita naman nating walang katotohanan ang kanyang mga sinasabi  ay magpaumanhin sa mga mambabatas na miyembro ng institusyon ng House of Representatives,” ani Castro.

Bilang isang “gentleman” at kapwa mambabatas, isang moral duty ni Lacson na aminin ang kanyang pagkakamali, dagdag pa ni Castro.

Sinabi ito ni Castro matapos biglang baligtarin ni Lacson ang kanyang mga pahayag at sinabing sa halip na ma­bigyan ng mga dagdag na pondo ang bawat  deputy speaker at iba pang mga kongresista, hindi na raw ito itinuloy. Ayon kay Lacson,  napag-alaman niyang hindi na pala itinuloy ang planong ito bago pa man ito nai-report sa media.

“Sen. Ping, halatang-halata naming palusot mo na itong bago mong sinasabi. Aminin mo na nakoryente ka. Kaya’t  mag-sorry ka sa amin dahil  ang mga mali mong alegasyon ay nakakasira hindi lamang sa reputasyon ng bawat mambabatas, kundi ng imahe ng institusyon ng Kongreso,” ayon pa kay Castro.

Sinabi pa ni Castro na makakatiyak ang publiko na sa ilalim ni Speaker Alan Peter Ca­yetano, walang makalulusot na pork o illegal insertion sa national budget.

Nauna rito, sinabi ni  Deputy Speaker for Good Governance and Moral Uprightness Bro. Eddie Villanueva ng CIBAC partylist na pawang kasinungalingan lamang ang mga naunang  alegasyon ni Lacson.

Ayon kay Villanueva,   ang paratang ni Lacson ay isang “big, big lie!”

Sinabi naman ni  House Majority Leader Martin Romualdez na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Lacson,  at hiniling sa senador na pangalanan niya ang pinagkuhanan ng maling  impormasyon.

Ayon naman kay Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla,  nagtataka siya kung saan nakuha ni Lacson ang mga paratang niya na para bang ang punto ay siraan lamang ang imahe ng Kamara de Representante, sa halip na makipagtulungan na lamang para maisulong ang mga programang reporma ng Pangulo. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.