IPINASARA ng Manila City Hall- Bureau of Permit Licensing Office, ang apat na cosmetic stores sa Binondo na unang sinita na nagbebenta ng beauty products na may label address na “Binondo, Manila, Province of China”.
Nabatid na alas-3:30 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng BPLO at Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang dalawang establisimiyento sa may F. Nicolas St. Binondo at ang stalls IE21 at 22 sa loob ng Divisoria Mall .
At dahil sa nakasara naman ang mga establisimiyento kaya minabuti ni BPLO Chief Levy Facundo na lagyan ng closure order.
Sinabi ni Facundo na hindi pa nila tukoy ang may-ari pero base sa business permit ay iisa lamang ang may-ari ng mga puwesto.
Nabatid na iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagpapasara sa establisimiyento matapos sitahin ni Rep. Prospero Nograles ang label na nakalagay sa beauty products na may address na 707 F. Nicolas St., Binondo, Manila, Province of China. VERLIN RUIZ
Comments are closed.