ISANG malaking dagok sa six-peat bid ng San Miguel Beer sa PBA Philippine Cup ang pagkawala ni center June Mar Fajardo dahil sa shin injury.
Ayon sa SMB, si Fajardo ay nagtamo ng ‘complete fracture on his right tibia’ sa ensayo ng koponan noong Pebrero 3, na nangailangan ng operasyon at mahabang rehabilitasyon upang muli siyang makapaglaro.
Sa report ng koponan, ang five-time MVP ay matagumpay na sumailalim sa operasyon noong Martes at sasailalim sa ‘post-operation rehabilitation’ para makarekober sa lalong madaling panahon.
Hindi naman nagbigay ang Beermen ng time table sa pagbabalik ni Fajardo.
“During this rehabilitation phase, the team regrets that he won’t be able to play for the San Miguel Beermen in the Philippine Cup,” sabi ng koponan sa isang statement kahapon.
Hindi lamang ang kanyang paglalaro sa SMB ang apektado sa injury kundi maging ang partisipasyon ni Fajardo sa kampanya ng Gilas Pilipinas. Bagama’t ang two-time World Cupper ay kasalukuyang wala sa Gilas pool para sa first window ng FIBA Asia Cup Qualifiers ngayong buwan, si Fajardo ay inaasahang kukunin para sa second window sa November.
“June Mar, for his part, is also saddened that he may not be able to join any upcoming international competitions,” dagdag ng SMB.
Sa pagkaka-sideline ni Fajardo sa All-Filipino tournament, ang big men ng Beermen, kabilang si Mo Tautuaa, ay kailangang kumayod nang husto upang punan ang pagkawala ng higanteng Cebuano, na may average na 18.7 points, 13 rebounds at 1.5 block last season.
Kailangan ding magtrabaho nina veterans Chris Ross, Alex Cabagnot, Arwind Santos at Marcio Lassiter.
Ang Beermen ay agad na sasalang sa season opener sa Marso 1, kung saan makakasagupa nito ang runner-up sa nakalipas na dalawang seasons, ang Magnolia Hotshots. CLYDE MARIANO
Comments are closed.