APAT katao ang nasawi sa selebrasyon sa pagsalubong sa bagong taon, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa datos na ibinahagi ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, tig-isa ang nasawi dahil sa ilegal na paputok at ligaw na bala sa kasagsagan ng selebrasyon.
Ito ay mula ala-6 ng umaga nitong Disyembre 31 hanggang ala-6 ng umaga kahapon.
Habang mula Disyembre 16 hanggang kahapon, mayroong dalawang insidente ng sunog dahil sa paputok na ikinasawi ng dalawa katao.
Tinukoy naman ni Fajardo ang mga insideng ng apat na pagkamatay.
“Ang namatay due to firecrackers ay isa. Meron din tayong dalawa na naitala na fire incident due to firecrackers, dalawa ang namatay diyan. Kung matatandaan niyo yung nangyari sa Marikina kung saan may sumabog na truck at may namatay, dalawa at meron pang mga sugatan at yung pinakahuli ay ‘yung insidente ng suspected stray bullet”, ani Fajardo.
Ang isa naman ay nasawi sa ligaw na bala na nasa edad 40 na lalaki mula sa Mariveles, Bataan.
“Diyan sa Mariveles, Bataan na hanggang ngayon ay ating iniimbestigahan. Nangyari ito kagabi (December 31) lamang habang ‘yung biktima ay nakatayo sa veranda ng bahay ay bigla na lamang ito tumunba at nung tiningnan nung kanyang mga kasamang nag-iinuman ay nakita nila na may tama itong baril sa kanyang tagiliran. So ito ay iniimbestigahan natin kung ito ay kaso ng stray bullet,” ani PNP PIO chief.
Mayroong 509 katao ang sugatan sa paputok, isa ang sugatan dahil sa ligaw na bala.
Samantala, nanindigan si Fajardo na bagaman may nasawi at naaresto sa holiday season, mapayapa ang pangkalahatang selebrasyon sa pagpapasok ng 2024.
EUNICE CELARIO