CALOOCAN CITY – ARESTADO ang isang hinihinalang gun-for-hire at apat nitong kasabwat sa pagpatay sa isang negosyante dahil umano sa love triangle, kamakalawa ng gabi.
Iprinisinta ni NCRPO Regional Director Major General Guillermo Eleazar, Caloocan City Police P/Col. Noel Flores at PLT Col. Ferdie Del Rosario ang mga naarestong si Alexander Fernandez alyas “Tatay”, 60 ng TM Kalaw Sto. Niño; Randy Vicente, 42 ng Manga St. San Vicente Ferrer, Dexter Cariliman, 48 ng Lansones St. San Vicente Ferrer, Jandrex Paguyanan alyas “Tisoy”, 22 ng TM Kalaw Sitio Diwa St. pawang ng Brgy. 178 at Jason Villamor alyas “Regie”, 31 ng Phase 2Blk 75, Brgy. 176.
Ayon kay Eleazar, unang naaresto ng mga tauhan ng PCP-3 sa pangunguna ni P/Maj. Raymond Nicolas si Pagayunan at Villamor at sa isinagawang tactical interogation, itinuro ng mga ito ang hide out ng kanilang mga kasama sa Blk. 48 Lot 26 TM Kalaw Sto. Niño, Brgy. 178 na nagresulta rin sa pagkakaaresto kay Fernandez, Vicente at Cariliman, alas-11 ng umaga ng June 29.
Narekober sa mga suspek ang 2 cal. 45, isang cal. 9mm, 2 cal. 38, isang cal. 22 rifle, mga bala, 2 toy gun replica, 2 motorsiklo at pitong iba’t-ibang cellphone.
Sa nakarating na report kay P/Col. Flores, alas-8:50 ng gabi noong June 28 nang pagbabarilin ng hindi kilalang gun-man si Eugene Borlaza, 38, negosyante ng Phase 4C Pkg. 7 Blk 64, Brgy. 176, Bagong Silang habang naglalakad sa Phase 4C.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang gunman sakay sa motorsiklong minamaneho ng kanyang kasama, habang isinugod naman ang biktima sa Nodado Gen. Hospital, subalit hindi na ito umabot ng buhay sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Positibo namang kinilala ng mga saksi si alyas Tisoy na driver ni Vicente habang nagsilbi namang back-up si Cariliman na sakay rin ng motorsiklo. EVELYN GARCIA
Comments are closed.