KINILALA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang City of Balanga sa Bataan bilang top-performing local government unit (LGU) sa 2020 Fisheries Compliance Audit (FishCA) National Validation dahil sa exemplary practices nito sa rehabilitasyon at preserbasyon sa Manila Bay watershed area.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, naiuwi ng City of Balanga ang cash incentive na P1-milyon matapos na makakuha ng pinakamataas na iskor sa FishCA National validation.
Bukod naman sa Balanga, pinuri rin ni Año ang iba pang LGUs na nakakuha ng mataas na puwesto sa 34 coastal LGUs sa Regions III, IV-A, at National Capital Region (NCR), na nakakasakop sa Manila Bay Clean-up, Rehabilitation, and Preservation Program (MBCRPP) sa isinagawang regional validation.
Kabilang rin sa top LGUs ay ang Orion sa Bataan; Sasmuan sa Pampanga, Samal sa Bataan at Navotas City.
“Tunay na kahanga-hanga ang limang LGUs na ito na nagpamalas ng matino, mahusay at maaasahang pangangalaga ng kanilang nasasakupang municipal waters na malaking bagay at tulong sa rehabilitation at preservation ng Manila Bay watershed area na bahagi ng kani-kanilang hurisdiksyon,” ani Año.
Sinabi pa ng DILG Secretary na mahalaga na i-highlight ang vital role ng coastal LGUs sa Manila Bay watershed area sa pangangasiwa sa municipal waters, partikular na sa natitirang resources na nagbibigay ng malaking benepisyo sa komunidad.
Tinukoy pa niya na ang Manila Bay ay nananatili pa ring pangunahing pinagkukunan ng pagkain o fishery products sa wet markets ng iba’t ibang LGUs, source ng livelihood sa fishing communities at tahanan sa mga marine species.
“The management of municipal waters is an important component in the rehabilitation of Manila Bay as it not only addresses issues on the depletion of fish biomass but is also concerned in mitigating the effects of aquatic pollution,” dagdag pa ng DILG chief. EVELYN GARCIA