(Dahil sa mapanganib na paggamit ng “anti missiles flare” ) PILIPINAS NAGHAIN NG DIPLOMATIC PROTEST

Kinumpirma kahapon ng National Security Council at ng Armed Forces of the Philippines na naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA)  ng Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China.

Bunsod ito ng pagpapakawala ng Chinese Peoples Liberation Army Air Force ng flares o anti missiles shields sa ruta ng Philippine Air Force (PAF) habang nagpapatrolya sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa malapit sa bisinidad ng  Bajo de Masinloc.

Una nang inihayag ni DFA Spokesman Teresita Daza na walang epekto sa provisional understanding ng China at Pilipinas ang naturang insidente.

Ito ay dahil ang sakop lamang aniya ng provisional understan­ding ay ang RoRe missions ng tropa ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Sa isang pulong balitaan sa Camp General Emilio Aguinaldo sa Que­zon City ay kinumpirma ni AFP chief of staff General Romeo Brawner ang paghahain ng diplomatic protest kasunod ng pahayag na nagsumite sila sa DFA ng mga kinakailangan dokumento o ebidensiya hinggil sa mapanganib at mapanghamong hakbang ng dalawang multi role aircraft ng China.

Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, ang paghahain ng diplomatic protest ay pagpapaha­yag ng Pilipinas ng kanilang “deep concern and alarm”. Ito umano ay bahagi lamang ng  series of actions” na gagawin ng Pilipinas kasunod ng Chinese Air Force hostility sa  airspace.

Magugunitang may dalawang  Chinese Air Force aircraft ang nagsagawa ng “dangerous maneuver” at nagpakawala ng flares sa daraanan ng Philippine Air Force turboprop noong Martes.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ginawang action ng China ay “unjustified, illegal and reckless.” Kinondena rin ni Pangulong Marcos ang nasabing aksyon ng China Air Force.

Ito umano ang unang karanasan ng PAF na maharap sa mga flares na pinawalan mula sa himpapawid at gamit ang fighter plane ng China.

Sinasabing mismong si PAF chief Lt Gene­ral Estephen Parreño ay nakaranas ng flares na pinawalan mula sa landbase habang nagpapalipad ng eroplano at nagpapatrolya sa Mischief or Subi reef.

Wala namang naitala na firing of flares na nagmula sa mga barko ng China. “Coming from bases, the mentioned yesterday by the CGPAF was one instance when he was the pilot himself,” ani Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, AFP Spokesperson on West Philippine Sea.

VERLIN RUIZ