(Dahil sa mataas na farmgate price) TAAS-PRESYO SA BABOY

SINISI ng lider ng meat dealers ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy sa tumaas na farmgate price ng baboy sa P220 hanggang P225 kada kilo mula sa mga nag-aalaga mismo nito, kung kaya umaabot na sa P360 kada kilo o higit pa ang presyo nito sa mga pamilihan.

“Opo, sobra po ang pagtaas nila. Two months ago P160 lang e. Ngayon po ay P220 na e. Mataas pa nga po ang mga backyards kesa sa farms. ‘Yung farmgate ang mataas. Mataas po P220 na. Sa farm po mismo ng mga piggery ‘yan. E ang baboy nakapakatumal naman. Lalong tumumal ang baboy noong nagtaas sila nang nagtaas ng presyo,” sabi ni Ricardo Chan, presidente ng Manila Meat Dealers Association, sa isang panayam sa radyo.

Paliwanag niya, ang mga meat dealer ay may standard na patong lamang na P60 kada kilo ng baboy.

“Kami pong mga meat dealer ay meron po kaming standard na patong sa bawat baboy na inaangkat namin sa kanila. Kasi normal ‘yan. P60 ang patong namin sa bigay namin sa mga tindera,” sabi ni Chan.

Kaya kapag pinatungan, aniya, nila ng P60 kada kilo ang mataas na bigay sa kanila ng farm sa farmgate price na P220, nagiging P280 na ang bigay nila sa mga tindera sa palengke. Magpapatong din ang mga ito ng P60 at higit pa.

Hindi naman, anya, nila masasabing mataas ang patong ng mga dealer dahil sa dami rin ng gastusin na binabayaran nila bago maibagsak sa mga tindera.

“Ganito po ang ano diyan. Kami ang nag-aangkat sa farm pati mga dealer. Ang mga dealer, kami, malaki ang gastos namin. P3,000 sa toll gate. P3,000 pang-gasoline namin. Plus pasahod pa namin sa mga tauhan namin. Plus from farm to slaughter house, hanggang pinakakatay namin ‘yan P270 per baboy ang bayad. Tapos fro slaughter, ide-deliver naman namin sa mga palengke ‘yan.Ibang mga tauhan na naman. Ibang krudo. Sa gasoline, sa P60 sa isang baboy, ‘yun ang gastos. Ngayon, kapares ng nakaraang biyahe ko.Namatayan ako ng isang baboy, e P20,000 isang baboy. Wala na.

Naubos na ang kita namin,” sabi ni Chan.

Ayon kay Chan, nagsimulang tumaas ang farmgate price mula sa mga nag-aalaga ng baoy ng kalagitnaan ng Nobyembre, hanggang sa ito ay nagtuloy- tuloy na.

“Nagsimula sa kalagitnaan ng November.Tapos araw-araw na sila nagtaas halos. Dati normal yan kada linggo kung magtaas o magbaba sila. Pero nung tumuntong ang kalagitnaan ng November, dinidiretso nila ang pagtataas. Every two days, every three days.Taas nang taas po yan. Dapat kasi P150. E di papatong kami ng P60. Di P220. P280 lang dapat ang benta ng mga sa palengke. Sa farmgate natin nasa P220 to P225 ngayon e. Sobra-sobra talaga,” dagdag pa niya.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia