(Dahil sa matataas na armas) SECURITY AGENCY PINAIIMBESTIGAHAN

Armas

CAMP CRAME – MAHIGPIT na ipinag-utos ni PNP Chief/Gen. Oscar Albayalde sa PNP Civil Security Group na imbestigahan kung bakit may mga matataas na kalibre ng armas ang mga guwardiya ng Minergy Powerplant sa Brgy. Quezon, Balingasag, Misamis Oriental.

Ito’y makaraang mapaulat na dinis-armahan ng hinihinalang mga miyembro ng NPA o New People’s Army ang naturang mga guwardiya kung saan nakuha sa mga ito ang limang AK-47 kasama ang mga magazine na may lamang bala at mga handheld radio noong Lunes.

Kasunod nito, sinabi ni PNP Civil Security Group Director P/B.Gen. Roberto Fajardo na isasailalim nila sa Oplan Tokhang ang security agencies na hindi magsusuko ng mga matataas na uri ng armas na nasa kanilang pangangalaga.

Giit ni Fajardo, tanging ang mga mi­yembro lamang ng AFP, PNP, PDEA at NBI ang maaaring magmay-ari at gumamit ng matataas na kalibre ng armas habang tanging shotgun lamang ang pinakamataas na maaaring gamitin ng mga guwardiya.

Mas mainam na aniya ito, ani Fajardo, dahil bukod sa hindi naman sinanay ang mga guwardiya sa paggamit ng mga high powered firearms, takot din umano ang mga rebelde sa shotgun dahil sa matin­ding pinsalang naidudulot nito sa katawan ng sinumang tatamaan nito.

Bagama’t nakapuntos ang NPA sa pagkuha ng mga armas mula sa mga guwardiya, sinabi ni Fajardo na hindi ani­ya ito nangangahulugang dapat nang magdiwang ang mga rebelde dahil nagpapatuloy ang manhunt operations laban sa mga ito. REA SARMIENTO

Comments are closed.