(Dahil sa mga kamag-anak na tumatakbo sa BSKE) PULIS NA INALIS SA PUWESTO LUMOBO PA

SAMPUNG ARAW bago ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre 30 ay lumobo pa ang bilang ng mga pulis na inilipat ng pwesto dahil may mga kamag-anak silang kumakandidato.

Sa datos ng Philippine National Police, mula sa 2,800 na mga pulis na inilipat ng puwesto dahil may mga kamag-anak silang tumatakbo ay umakyat pa ito ngayon sa 2,956 .

Ang nasabing bilang ay pansamantalang irere-assign o pansamantalang ililipat ng puwesto.

Ayon kay PNP PIO Chief Col. Jean Fajardo, binase nila ang talaan sa isinagawang survey sa kanilang mga tauhan at lumabas ang pangalan ng 2,956 na mga pulis na may mga kaanak na tumatakbo sa BSKE.

Paliwanag ni Fajardo, layunin nito maiwasang mapulitika ang kanilang mga tauhan at maiwasang maka-impluwensya sila sa resulta ng halalan.

Nabatid na saklaw ang isang tauhan ng PNP sa isinasagawang temporary re-assignment kung siya ay may tumatakbo kamag-anak base sa kanilang blood relation na umaabot hanggang sa pinsang buo.

Paliwanag ni Fajardo, may basbas ng COMELEC ang ginawa nilang paglilipat ng puwesto ng mga pulis. VERLIN RUIZ