(Dahil sa mga nakapilang bagyo) EVACUEES PINANANATILI SA EVAC CENTERS

HINDI pa pinababalik sa kanilang mga tahanan ng Office of Civil Defense 2 at maging sa ilang lugar sa Cordillera Autonomous Region ang mga residenteng nagsilikas malapit sa mga ilog at dalisdis ng bundok bunsod ng mga paparating pang bagyo kasunod ni Tropical Storm Nika na humagupit sa hilagang Luzon.

Nabatid na patuloy na nagsasagawa ng assessment ang mga Local Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Council (LDRRMC) kung pababalikin na sa kani-kanilang tahanan ang mga evacuee dahil me­ron pang susunod na bagyo.

Ayon sa PAGASA, ang mga  bagyong darating ay mas  mataas ang tsansang tatama sa kalupaan.

Bukod sa bagyong Nika, binabantayan din ng mga eksperto at mga disaster official ang ilan pang nakapilang sama ng panahon sa labas ng Philippine Area of Responsibility.

Kahapon ay pumasok na sa Philippine Area of responsibility ang Tropical Cyclone Ofel habang naka buntot dito si TC Pepito.

Ayon sa Pagasa, hindi ito kakaiba pero asahang mas mataas ang tsansang tumama sa lupa ang mga susunod na bagyo.

Pero kung susundin aniya, ang advisory ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), mas mainam na manatili na muna sila sa mga evacuation center para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ito’y kahit pa bumuti na ng bahagya ang panahon matapos manalasa ang magkakasunod na Bagyong Leon, Marce at Nika.

Ayon kay OCD 2 Regional Director Leon Rafael, kahit na magtagal sa mga evacuation center dahil hindi pa ligtas na bumalik ang mga residente lalo na yung mga naninirahan malapit sa Cagayan River dahil sa paparating pang mga bagyo.

Base sa tala ng OCD 2, umabot sa 6, 070 na pamilya o katumbas ng 19, 856 na indibidwal ang naapektuhan ng nagdaang Bagyo sa Region 2.

Sa kabila nito, sinabi ni Rafael na manageable pa naman ang sitwasyon sa rehiyon at may sapat pa silang suplay ng mga pagkain at iba pang relief supplies.

Samantala, mahigit sampung libong mga indibidwal ang apektado ng Bagyong Nika sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ayon kay  Dir. Albert Mogol ang Regional Director ng Office of Civil Defense na nasa 153 barangay ang apektado ng bagyo sa kanilang rehiyon, kung saan 4, 024 ang pamilyang apektado o katumbas ng 10, 876 individuals.

Sa nasabing bilang, nasa 812 na pamilya ang nananatili ngayon sa 75 evacuation centers sa kanilang lugar.

Sa kabuuan, nasa 36,788 pamilya sa limang rehiyon ang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Nika (international name Toraji), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.

Sa update nito, sinabi ng ahensiya na ang mga pamilya ay naninirahan sa 329 barangay sa Regions 1 (Ilocos), 2 (Cagayan Valley), 3 (Central Luzon), 5 (Bicol) at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nasa 4,593 pamilya ang tinutulungan sa loob ng 246 evacuation centers at 723 pamilya sa labas.

Sa pag-post, wala pang ulat ang NDRRMC sa bilang ng mga nasawi at nasawi kay Nika.

Inihayag din ng PAGASA na inaasahang lalabas si Nika sa Philippine Area of Responsibility sa loob ng susunod na 12 oras.

VERLIN RUIZ