(Dahil sa modernization) BFP NAGKAROON NG LAKAS AT KAPABILIDAD NA MAKASABAY SA MAKABAGONG PANAHON

KUMBINSIDO ang Bureau of Fire Protection (BFP) na dahil sa modernization program ng gobyerno ay nagkaroon ng lakas at kapabilidad ang kawanihan na makasabay upang makaagapay sa makabagong panahon.

Ayon kay BFP Chief Director Louie S. Puracan, dahil sa modernization program nakasabay ang BFP para sa makabagong hamon ng panahon kabilang dito ay nadagdagan ang fire truck ng BFP, ambulansiya at equipment.

Sinabi ni Puracan na sa darating na 2024, ang gobyerno ay patuloy na maga-allocate ng budget sa BFP para sa BFP modernization program.

Bahagi ng modernization program ng gobyerno na ang Kongreso ay maga-allocate ng karagdagang P3 Billion para sa modernization ng BFP.

Magugunitang tumanggap ang BFP ng isang unmodified opinion mula sa Commission on Audit (COA) sa kauna unahang pagkakataon sa fiscal year ng 2022 at nakakuha ito ng perfect score na 20.

Batay sa report ng COA, tumanggap ang BFP ng 93 percent score na may equivalent rating ng excellent score mula sa kauna unahang pagkakataon ng Financial Performance Rating report.

Nauna rito pinaboran ng COA ang aksyon ng BFP na dapat magkaroon ng modernization program upang makaagapay sa makabagong panahon.

Bilang bahagi ng modernization program ng pamahalan, namahagi ng 54 na bagong trak ng bumbero sa mga local na istasyon ng bumbero sa BFP.

Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na ang bagong binili na fire truck ay may 1,000-gallon na kapasidad na ipinamahagi sa mga istasyon ng bumbero na walang sapat na kakayahan sa paglaban sa sunog.

“Ang pamamahagi ng mga moderno at makabagong fire truck na ito ay isang patunay na inuuna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at ng DILG ang kaligtasan ng ating mga komunidad at mamamayan,” aniya.

Sa 54 na firetruck, ang Bicol Region ang nakakuha ng pinakamaraming firetruck na may walo, sinundan ng Caraga na may pito; at Northern Mindanao na may lima.

Samantala tiniyak din ng hepe ng DILG na bukod sa pagkuha ng mga bagong trak ng bumbero, ambulansya, at kagamitan, mapapaunlad din ang kakayahan at kadalubhasaan ng mga bumbero.