(Dahil sa MSU bombing) METRO NASA HEIGHTENED ALERT

MAKARAAN ang pagsabog sa gymnasium ng Marawi State University sa Lanao del Sur, inilagay na rin ng Philippine National Police (PNP) sa heightened alert ang kanilang puwersa.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa maghahasik ng gulo.

Hakbang din ito para pigilan ang simpatya mula sa mga kaalyadong terorista na siyang nagpasabog sa MSU gym.

Una nang nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na mag-ingat at maging mapagbantay.

Habang pinakilos na rin ang PNP at Armed Forces of the Philippines na dagdagan ang intelligence activities para pigilan ang banta ng karahasan.
EUNICE CELARIO

1st ADVENT MASS SA
MSU BINOMBA: 4 PATAY,
50 SUGATAN
APAT ang patay habang nasa 50 katao ang sugatan sa naganap na pagpapasabog sa loob ng Mindanao State University gym habang nagsasagawa ng misa para sa unang araw ng Adbiyento (Advent) kahapon ng umaga sa Marawi City.

Kinumpirma ni Major General Gabriel Viray III, commander ng Philippine Army 1st Infantry Division na base sa inisyal na ulat tatlong babae at isang lalaki ang nasawi sa pagpapasabog kahapon ng umaga.

May 42 katao naman ang isinugod sa Amay Pakpak Hospital habang walo ang nilapatan ng lunas sa MSU infirmary.

Agad na pinulong ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang mga kasapi ng government security force para ma-asses at magsagawa ng dagdag na paghahanda kasunod ng insidente kabilang na ang pagtataas ng alerto hanggang sa Metro Manila.

Kasalukuyang inaalam pa ng mga bomb expert ng Army Explosive and ordnance unit ang signature ng bombang ginamit para matukoy ang grupong nasa likod ng pagpapasabog.

Naniniwala ang heneral at maging ang pamunuan ng PNP na isang terroristic activities ito at isa sa mga pinaghihinalaang grupo ang Dawlah Islamiyah .

Ayon kay AFP chief of Staff General Romeo Brawner, posibleng ganti rin umano ito matapos na mapatay ng mga awtoridad ang isang DI-Maute subleader kahapon ng umaga rin sa Piagapo sa Lanao del Sur.

Una rito, napatay din ng militar ang kilabot na Abu Sayyaf leader na si Sawadjaan na responsable sa Jolo bombing.

Habang napaslang din kamakalawa ang proclaimed Ameer ng DI sa Pilipinas na si Abdulah Sapan kasama ang sampung tauhan nito kasunod ng inilunsad na intelligence driven military operation .

Sinasabing inilunsad ang focused military operation matapos na matunugan ang pagtitipon tipon ng may 25 DI terrorist na pinangangambahang magsasagawa ng terroristic activities sa Lanao o kalapit na mga lalawigan.

Agad na kinondena ni Secretary Carlito Galvez Jr., ng Office of the Presidential Adviser on Peace , Reconciliation and Unity (OPAPRU) ginawang pambobomba sa Mindanao State University.

“This horrendous attack, which happened during a Mass and the celebration of the Mindanao Week of Peace, shows the ruthless methods that these lawless elements will utilize to sow fear, anger, and animosity among our people. We will not allow this to happen,” ani Sec Galvez.

Agad na itinaas ng AFP at PNP ang antas ng alerto sa area at maging sa mga kalapit na lalawigan, “Right now we are on heightened alert at our troops remain vigilant, ani Viray.VERLIN RUIZ/ EUNICE CELARIO