MAYNILA – TINIYAK ng Department of Labor and Employment (DOLE) na handa na ang kanilang contingency plan para saklolohan ang overseas Filipino workers (OFWs) sakaling lumala pa ang sitwasyon sa Hong Kong.
Paglilinaw naman ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na may koordinasyon sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang binalangkas na contingency plan.
Inihayag din ng DOLE na as of August 17 ay wala silang natatanggap na formal notice sa DFA hinggil naman sa pagtungo sa nasabing Chinese territory.
Nangangahulugan na wala pang travel warning ang DFA, subalit pinaigting ang paalala sa mga OFW at iba pang Filipino na nakabase sa Hong Kong na mag-ingat, huwag lumabas at magsuot ng kulay puti at itim kapag may kilos-protesta.
Dagdag pa ni Bello na kung totoong itinaas ng DFA sa alert level 3 ang status sa Hong Kong ay handa na sila kaya bumalangkas ng contingency plan.
Gayunman, batay sa labor attache na nasa Hong Kong ay kontrolado at stabilized naman ang sitwasyon sa itinuturing na Chinese special region.
“Nag-i-stabilize naman daw ang condition doon sa Hong Kong,” ayon sa kalihim.
Sumiklab ang gulo sa Hong Kong bunsod ng extradition bill noong Marso 31 at sa kasaluyan ay mahigit apat na buwan na ang kilos-protesta roon. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM