(Dahil sa natural calamities) RICE IMPORTS PAPALO SA 4.7 MMT

POSIBLENG pumalo sa all-time high na 4.7 million metric tons (MMT) ang rice imports sa pagtatapos ng taon upang malabanan ang mga epekto ng natural disasters sa local palay production sa bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sinabi ng Bureau of Plant Industry (BPI) na ang actual import arrivals ay umabot na sa 4.48 MMT hanggang Disyembre 12.

“Sa ngayon, iyon ay tama lang dahil nakaranas tayo ng maraming problema this year. Sabi nga ni Secretary (Francisco Tiu Laurel Jr.), this is the most depressing year for agriculture because of so many calamities, both natural and tsaka iyong sa sakit, El Niño, and then, series of typhoons, La Niña,” wika ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam, tinukoy ang pangangailangan ng merkado na mag-adjust.

“Alam nila kung kailan kailangang magdagdag. The market will adjust dahil mababa iyong production, they will get those deficiency sa importation,” aniya.

Sa pagtaya ng Rice Program ng DA ay aabot sa 19.3 MMT ang palay production para sa taon, mas mababa kumpara sa 20.06 MMT palay output noong nakaraang taon.

Ayon kay De Mesa, ang tinatayang import volume ay magkakaloob ng sapat na rice stocks hanggang sa susunod na harvest season.

“Yung imports, good for us to have three-months supply ng bigas (of rice) until next year, which will be enough to carry us out until (the) next harvest season,” aniya.

Samantala, sinabi ni De Mesa na mas maraming rice imports ang idinedeklara dahil sa reduced tariff – mula 35 percent sa 15 percent – at sa napigilang smuggling ng bigas.

“Dahil wala nang insentibo para sa smugglers na mag-smuggle pa dahil sa mababang taripa, ngayon pumapasok na talaga sa actual recording iyong mga pumapasok na bigas at hindi na dumadaan pa sa ibang channel,” sabi ni De Mesa.

Magmula nang ilabas ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) 62 noong Hunyo, ang volume of arrival ng imported rice ay nahigitan ang 100,000-MT level noong Hunyo at Hulyo, kung saan ang pinakamataas na arrivals ay iniulat noong Oktubre sa 572,073 MT.

Para sa first half ng December, iniulat ng BPI ang 158,988 MT ng imported rice. ULAT MULA SA PNA