HINDI pa inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang suspensiyon ng klase kasunod na rin ng mabilis na pagkalat ng novel coronavirus (nCoV) sa China at iba pang bansa.
Ito ang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III bilang reaksiyon sa pagsususpinde ng klase ng ilang Filipino-Chinese schools sa Maynila simula noong Lunes, Enero 27, dahil bahagi ng precautionary measures laban sa nCoV.
Ayon kay Duque, hindi nila batid ang dahilan ng mga naturang paaralan upang magsuspinde ng klase dahil nananatili pa ring nCoV-free ang Filipinas, ngunit tiniyak na aalamin nila ito.
Aniya pa, wala pa rin naman silang natatanggap na komunikasyon mula sa World Health Organization (WHO) hinggil sa mga paabisong may kinalaman hinggil sa isyu.
“It’s not within our interim guidelines – the suspension of classes at this point. There has been no communication coming from the WHO with regard to an advisory that is related to that,” anang kalihim.
Matatandaang nitong Lunes, ilang Filipino-Chinese schools sa Maynila ang nagpasyang magsuspinde ng klase at ilan sa mga ito ang nananatiling wala pa ring pasok hanggang kahapon.
Suspendido ang klase sa Uno High School sa Tondo, na nagpayo sa kanilang mga mag-aaral na manatili na lamang muna sa kani-kanilang mga bahay.
Ang Chang Kai Shek College sa Tondo naman ay nag-anunsiyo na rin na wala silang pasok hanggang sa Pebrero 8, 2020, sa kanilang Padre Algue at Narra Campuses kaya’t bawal sa school premises nila ang mga mag-aaral, habang ang mga pumapasok naman na mga empleyado ng paaralan ay sinusuri muna ang temperatura gamit ang digital thermometer.
Samantala, ang Hope Christian High School sa Tondo ay wala ring pasok sa lahat ng antas hanggang ngayong araw, Enero 29 at ang mga mga nag-abroad nilang mga estudyante ay pinapayuhang sumailalim muna sa 14-day quarantine, bago magbalik-paaralan.
Ang St. Stephen’s High School sa Tondo ay nag-anunsiyo na rin suspendido ang klase ng mga estudyante “indefinitely,” ngunit tiniyak naman ng paaralan na walang napaulat na kaso ng nCoV sa kanilang mga estudyante, faculty members at maging kanilang mga staff.
Sa paabiso naman ng St. Jude Catholic School sa San Miguel ay wala pa ring pasok kahapon upang mabigyan ng panahon ang mga guro at paaralan para sa “data gathering” ngunit ang kanilang mga guro at tauhan ay inaasahang magre-report sa trabaho, mula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.
Wala pa rin namang pasok sa Philippine Cultural College at Tiong Se Academy, gayundin sa Lorenzo Ruiz Academy na nagsuspinde ng klase nitong Lunes, ngunit ipinauubaya ng pamunuan ng paaralan sa mga magulang ang desisyon kung papapasukin ang kanilang mga anak o hindi. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.