BIGLANG dumami ang mga nais magpabakuna sa unang pagkakataon ng COVID-19 vaccines sa mga vaccination sites sa Muntinlupa matapos ipatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon ng “no vaccination, no ride” policy nito lamang Lunes.
Ang pagdagsa ng mga magpapaturok ng unang dose ng bakuna ay nangyari nang ipatupad nitong Lunes ang “no vaccination, no ride” sa mga pampublikong transportasyon na kung saan tanging mga fully vaccinated na indibidwal lang ang makakapasok o makakalabas ng National Capital Region (NCR) sa ilalim ng Alert Level 3.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ni DOTr Secretary Arthur Tugade, “no vaccination, no ride” policy ay ipatutupad sa mga domestic travel mula at patungo o nasa loob ng NCR na mga pampublikong transportasyon na panlupa, panriles, pandagat o panghimpapawid kabilang na rin ang mga indibidwal na nakatira sa labas ng NCR ngunit nagtatrabaho sa rehiyon.
Nakasaad sa naturang kautusan na inaatasan ang mga operator ng pampublikong transportasyon na payagan o bigyan ng tiket ang mga indibidwal na fully vaccinated na makapagpakita ng vaccination card na inisyu ng local government unit (LGU), vaccination certificate na galing sa Department of Health (DOH) o anumang dokumento na pinahihintulutan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaakibat ng isang valid government-issued ID na may litrato at address.
Kaya’t panawagan sa mga indibidwal na magpabakuna na bilang isang proteksyon laban sa magiging epekto na maaring idulot ng COVID-19.
Samantala, sa report ng Muntinlupa City Health Office (CHO) ay nakapagtala ang lungsod ng 4,109 aktibong kaso nitong Enero 17 na nadagdagan ng 327 bagong kaso o 8.6 porsiyento mula 3,782 aktibong kasong naitala noong Enero 16. MARIVIC FERNANDEZ