(Dahil sa Omicron travel bans) 99 PINOY STRANDED SA AFRICA, EUROPE

HALOS 100 Pinoy ang istranded sa Europe at Africa makaraang ilagay sa ‘red list’ ng Pilipinas ang 14 bansa sa naturang mga rehiyon sa gitna ng banta ng Omicron COVID-19 variant, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa isang public briefing ay sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola na may 50 Pinoy ang istranded sa Europe,  kung saan pitong bansa ang nasa Red List hanggang December 15. Ang mga ito ay ang Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium, at Italy.

Sa Africa ay may 49 Pinoy ang  istranded makaraang ilagay sa Red List ang South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, at Mozambique matapos na unang mapaulat ang Omicron variant sa naturang rehiyon.

Ang mga pasahero na nagmumula sa mga bansa na nasa ilalim ng Red List sa loob ng nakalipas na  14 araw ay binawalang pumasok sa Pilipinas.

Hinikayat ni Arriola ang mga Pinoy na apektado ng bagong travel restrictions na makipag-ugnayan sa Philippine embassies at consulates upang matulungan silang makauwi.

Sinabi ng undersecretary na magsasagawa ang pamahalaan ng repatriation flights mula The Netherlands at South Africa.

Binalaan niya ang mga Pinoy sa ibang bansa na ang repatriation process ngayon “is a little bit more complicated, so we need the cooperation of our kababayans because they have to transfer from one country to another to be able to join the repatriation flights.”