(Dahil sa paggamit ng hybrid energy) 25% NATAPYAS SA SINGIL SA KURYENTE

TUMATAGINTING na 25% ang kagyat na natapyas sa singil ng Meralco sa buwanang konsumo ng munisipyo, matapos umpisahan ng lokal na pamahalaan ang paggamit ng hybrid energy sources.

Sa isang kalatas, ibinida ni Angono Municipal Administrator Alan Maniaol ang malaking natipid ng munisipyo muna nang magkabit ng solar panels sa ibabaw ng bahay pamahalaan nitong nakaraang Marso.

Aniya, sa mga unang buwan ng implementasyon ng hybrid energy system, pumalo agad sa P40,000 ang nabawas sa buwanang singil ng Meralco.

Sa datos ng lokal na pamahalaan, lumalaro mula P200,000 hanggang P240,000 ang karaniwang billing statement ng Meralco sa munisipyo ng Angono.

Sa kanyang pagtataya, posibleng umabot pa sa P70,000 – katumbas ng 35% ang buwanang matitipid ng Angono gamit ang mga solar panels kung saan kumukuha ng kuryente ang ilang mga tanggapang nasa bahay-pamahalaan.

“Yes, we’ve been saving roughly 25% since April and we’re expecting as much as 35% slash on our monthly electricity bills in the next few months,” ani Maniaol, kasabay ng giit na isusulong ng pamahalaang bayan ang pagpapalawig ng hybrid power system sa iba pang mga tanggapan at pasilidad sa 10 barangay na sakop ng kanilang bayan.

Kaugnay nito, nagpahiwatig naman si Angono Mayor Jerimae Calderon sa Sangguniang Bayan na pag-aralan kung paano mapakikinabangan ng mga maralitang residente ng Angono ang pondong natitipid ng munsipyo mula sa buwang singil ng Meralco.

Para kay Calderon, higit na kailangan madama ng mga mamamayan ang malasakit ng pamahalaan sa gitna ng krisis na dala ng patuloy na banta ng pandemya at pagsipa sa presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin sa merkado.

“Nag-decide tayo na mag-invest sa alternative source of energy para sa ating munisipyo, nakakatulong na sa environment makakatipid pa tayo sa monthly bill ng ating kuryente sa munisipyo,” anito.

Bukod sa pagiging Art Capital of the Philippines, kilala rin ang Angono sa mahigpit na pagpapatupad ng polisiyang nagbabawal sa operasyon ng mga negosyong pinaniniwalaang magdudulot ng pinsala sa kalikasan. ELMA MORALES