(Dahil sa paghahanap sa KOJC Leader) GEN TORRE INALIPUSTA SA SOCMED, NAKATANGGAP NG DEATH THREAT

INAMIN kahapon ni Police Region Office (PRO) 11 Regional Director BGen. Nicanor Torre III na nakakatanggap na siya ng death threats at pamba-bash gayundin ang kanyang pamilya dahil lamang sa pagtugon sa batas at mandato na isilbi ang warrant of arrest kay Pastor Apollo Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ.

“Kami ng aking mga anak ay nakakatanggap ng pamba-bash at death threat  gayundin ang aming pulis ay pinagtatawanan subalit hindi kami titigil sa paghahanap kay Quiboloy,” ayon kay Torre sa press conference kahapon.

Sinabi ni Torre na kahit sila ay pinagtatawanan at matinding pagharang ng mga kaalyado ni Quiboloy ay ipagpapatuloy nila ang paghahanap sa religious leader dahil ito ay may kinakaharap na kasong kriminal.

Magugunitang kung ano-ano na ang tinawag kay Torre ng mga basher na netizen kabilang sa tawag sa kanya ay General Diwata at Diwata ng Kapulisan.

Naniniwala rin si Torre na maliit na lamang ang ginagalawan ni Quiboloy dahil tukoy na nila ang eksaktong kinaroroonan nito dahilan naman para lalo pang umigting ang resistance ng grupo nito.

Nanawagan din si Torre sa mga kumukutya sa kanyang tauahan na siya na lamang ang harapin habang nanindigan sa kanyang mga direktiba.

“Bilang regional director, ako lamang anh responsible and I am taking all responsibility, kilala ako ng mga tao ko, hindi ako nag-iiwang ng mga tao,” diin pa ni Torre.

EUNICE CELARIO