SA ISANG “unprecedented move” nagbitiw sa puwesto si Philippine Military Academy Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at BGen Bartolome “Bob” Bacarro kasunod ng pagkamatay ni cadet 4th class Darwin Dormitorio dahil sa hazing.
Ayon kay Evangelista, walang sinumang pumilit sa kaniya at hindi dahil sa “pressure” ng sinuman ang pagbibitiw niya sa puwesto.
Sa panig naman ni Gen Bacarro, sinabi nito na kusa silang nagbitiw dahil sa “command responsibility”.
Ani Bacarro, matapos ang nangyari kay Dormitorio ay batid niyang ang pagbaba sa puwesto ang nararapat nilang gawin. “Ang sa akin kasi ang nais ko is to save the organization na kaya kami nag-resign.Command responsibility, kahit ginawa nating lahat, ‘yung principle ng command responsibility nag-volunteer na kami.”
Subalit nilinaw ni Bacarro, sa ayaw at sa gusto ay kailangan nila itong gawin dahil sila ang commanders.
“’Yung pag-resign naman namin it’s not an admission na may mali kami, na nagkulang kami,” giit ni Bacarro.
Kaugnay nito, pormal ding inihayag ng pamunuan ng PMA ang pagsibak kina PMA hospital commanding officer Col Cesar Candelaria at Capt. Apostol, hospital attending physician; Maj Rex Bolo, senior tactical officer; at Capt. Jeffrey Batistiana, tactical officer.
Ayon kay AFP Spokesman Bgen Edgard Arevalo, opisyal na ring tinanggap ni outgoing AFP chief of staff Gen. Benjamin Madrigal Jr. ang resignation sa puwesto nina Evangelista at Bacarro.
Sa paliwanag ni Evangelista, nagpasya na silang magbitiw sa puwesto ngayong natapos na ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Dormitorio.
Kasabay nito, ang paglalabas ng pangalan ng mga sangkot sa hazing, dalawa rito ang pinatawan ng parusang pagsipa sa PMA na sina 3CL Shalimar Imperial at 3CL Felix Lumbag dahil sa direktang partisipasyon, 1CL Axl Rey Sanupao, encouraging maltreatment at 2CL Nickoel Termil (squadleader) dahil sa command responsibility.
Pinatawan naman ng suspensiyon sina 1st Cl Irvin Sayud (platoon leader) at 1CL Elbert Lucas (CO) gayundin pinatawan ng parusa dahil sa PMA class 1 offense si Cdt 1CL Christian Correa (floor inspector). VERLIN RUIZ
Comments are closed.