BUKOD sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, maaari ring maramdaman ng mga consumer ang dagdag-singil sa koryente sa Mayo dahil sa pagmahal ng coal, ayon sa Department of Energy (DOE).
“Dahil sa pagtaas ng presyo ng coal, tumataas po ang presyo ng ating koryente ngayon at ito’y mararamdaman ng ating mga mamamayan, ng ating mga consumers, by May,” pahayag ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa Talk to the People ni Presidente Rodrigo Duterte Miyerkoles ng umaga.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Cusi sa publilko na may sapat na supply ng coal ang bansa para sa isang buwan.
“Dito naman sa supply ng coal sa ating bansa, supisyente po. 30 days na imbentaryo po ang mine-maintain natin. Ang gen cost naman po, nakikiusap na kung pupuwede ay luwagan natin ‘yung 30 days inventory dahil nagdodoble ang presyo ng coal at nangangailangan sila ng malaking kapital,” anang DOE chief.
Nauna na ring nag-abiso ang Manila Electric Company (Meralco) na maaaring tumaas ang singil sa koryente sa Mayo dahil sa second quarter repricing ng Malampaya.
Ang pinakamalaking pinagkukunan ng supply ng Meralco ay ang planta na gumagamit ng natural gas ng Malampaya.
Samantala, hinikayat ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pamahalaan na tutukan ang paglinang ng bagong pagkukunan ng koryente para makatulong sa pagpapababa ng household electricity rates sa bansa.