NANGANGANIB na ma-ban ang Pilipinas sa Paris Olympics at Paralympic Games at sa lahat ng regional at continental—Asian Games at Southeast Asian Games— at sa world championships kapag hindi tumalima ang Philippine Sports Commission (PSC) sa World Anti-Doping Agency (WADA) Code.
Bukod dito ay maaari ring bawalan ang bansa sa pag-host ng regional, continental at world championships.
Ginawa ng WADA ang babala sa isang notification sa PSC na may petsang January 23 na nagbibigay-diin sa hindi nito pagsunod sa WADA Code at nag-udyok sa government sports body na tugunan ang outstanding non-conformities na tinukoy sa WADA Code Compliance Questionnaire.
Ang PSC ay sinabihan sa pamamagitan ng Philippine National Anti-Doping Agency (Phinado) noong Setyembre ng nakaraang taon na tumalima sa WADA Code subalit halos hindi ito tumugon magmula noon.
Binigyan ng WADA ang PSC ng apat na buwan para tumalima at napaso na ang deadline noong nakaraang Lunes.
“Should the outstanding non-conformities not be solved by 22 January 2024, the Philippines Sports Commission would be automatically alleged as non-compliant by WADA’s Executive Committee,” nakasaad sa notice, na nilagdaan ni WADA Director General Olivier Niggli
Sinabi ng WADA na kailangang sumunod ang PSC sa code sa pag-develop at pagpapatupad ng “effective, intelligent and proportionate Test Distribution Plan and include all Registered Testing Pool athletes from sports or disciplines, among others.”
Tinukoy ng WADA ang kaso ng isang atleta na nagpositibo sa anti-doping result noong 2016 subalit hindi sinabihan ng PSC o ng anti-doping arm nito.
Binigyan ng Montreal-based agency ang PSC ng hanggang Pebrero 13 upang i-dispute ang alegasyon ng WADA na hindi pagsunod at/o kahihinatnan ng non-compliance at/o reinstatement conditions na ipinanukala ng WADA.
“If the PSC does not dispute any of these elements in writing to WADA, within 21 days from the date of this Formal Notice, the allegation of non- compliance will be deemed admitted, the consequences of non-compliance and the reinstatement conditions proposed by WADA will be deemed accepted, and this Formal Notice will automatically become a final decision with immediate effect,” ayon pa sa notice.
Inilakip ng WADA sa notification nito ang kahihinatnan ng non-compliance at reinstatement conditions ng PSC na kinabibilangan ng pag-ban sa Pilipinas sa lahat ng major international competitions.
Ang consequences ay kinabibilangan din ng pagkawala ng WADA privileges at funding ng Pilipinas at ng ban sa sinumang Pilipino na maupo bilang miyembro ng boards o committees o iba pang bodies ng anumang signatory, miyembro o asosasyon ng signatories ng world agency.
“The PSC must satisfy the outstanding critical requirements and comply with all the consequences of non- compliance to be reinstated,” ayon sa WADA.
Ang Philippine Olympic Committee (POC) ay pinadalhan din ng kopya ng WADA notification.