(Dahil sa pekeng travel docs) 2 CHINESE, INDIAN PINIGIL SA NAIA

NAIA-4

PARAÑAQUE CITY – PINI­GIL ng mga taga-Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tatlong dayuhan bago makasakay sa kani-kanilang mga flight dahil sa paggamit ng mga bogus na travel documents.

Ayon sa report na nakara­ting kay Commissioner Jaime H. Morente, itong tatlong foreigner ay na-intercept ng magkakaibang petsa nitong nakalipas na linggo sa sa departure area ng terminal 1 at 3.

Kinilala ni Morente ang isang suspek na si Huang Chenghua, 49-anyos, Chinese, kung saan gamit nito ang Mexican passport na mayroong pekeng Canadian visa, at nahuli ito noong Agosto 30 bago makasakay sa kanyang Toronto flight.

At ang sumunod na nasakote ng mga tauhan ng BI ang isang nagngangalang Mahipal, 25-anyos,  Indian, at nahuli sa NAIA Terminal 1 dahil sa bogus din ang kanyang Canadian visa at pasaporte.

Sa pahayag ni BI Travel Control Enforcement Unit (TCEU) over-all head Ma. Timotea C. Bari­zo pasakay ito sa kanyang flight papuntang Canada nang pigilin ng kanyang mga tauhan sa NAIA terminal 1.

Habang ang pangatlong suspek na si Wang Wenjiang, 24-anyos,  Chinese,  ay nahuli noong Agosto 16 sa NAIA Terminal 3 dahil sa paggamit ng ninakaw na passport, na pag-aari ng isang Xu Shao Hong.

Itong si Wang Wenjiang ay naaresto ng immigration offi­cer habang pasakay sa kanyang flight patungong Jakarta.

Sa kasalukuyan, ang tatlong dayuhan ay pansamantalang nakakulong sa BI detention center sa Taguig City sa Bicutan. FROI MORALLOS

Comments are closed.