(Dahil sa PPE anomaly) PITC, DBM-PS PINABUBUWAG

INIREKOMENDA ni Senadora Imee Marcos ang pagbuwag sa dalawang sangay na sangkot sa umano’y “overpricing” ng mga Personal Protective Equipment (PPE) sa gitna ng pananalasa ng COVID-19.

Sa Zoom interview ng Senate media, sinabi ni Marcos na maghahain siya ng panukala para tuluyang lusawin sa DBM-Procurement Service at Philippine International Trading Corp (PITC).

Ang DBM-PS at PITC na siyang namamahala sa pagbili ng mga common use equipment ng mga ahensiya ng gobyerno ay nagsisilbi aniyang “parkingan” o taguan ng bilyon-bilyong pisong pondo na hindi nagagastos.

“I thinks it’s really outlived its usefulness and instead, with its miserable track record and all these kurakot we keep hearing about,” diin ni Marcos.

Sa nakalap na dokumento ni Marcos mula sa PITC, mas mataas pa ang presyo ng face mask sa halagang P40 kada isa at face shield naman sa halagang P180 kada piraso, subalit walang mga kaukulang papeles at bidding process.

Nakagarahe umano sa PITC ang P11-Bilyon ng ilang ahensiya ng gobyerno, gaya ng Department of National Defense para sa pambili ng military equipment and materials pero nakatengga ang pondo sa loob ng ilang buwan o taon na.

Bukod dito, nabuking ni Marcos na may P16-bilyon na nakatago rin sa DBM-PS na pondo mula sa Department of Health na hindi umano naibili ng mga common use equipment.

Nauna rito, lumabas sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na ilang bagong kompanya na kakarampot lang ang kapital ay siyang nagwagi ng bilyon-bilyong pisong kontrata sa mga bidding ng DBM-PS na nagsusuplay ng medical equipment at PPEs.

Tinukoy ni Marcos ang Pharmally pharmaceuticals na may P625,000 lang na kapitalisasyon pero nakakopo ng P8.7B na kontrata sa pagsuplay ng faceshield at facemask.

Iginisa ng Senado kamakailan si dating DBM-PS Executive Director at Usec. Christopher Lloyd Lao na itinatanggi ang mga paratang ng overpricing at pagpabor sa ilang kompanyang may kaugnayan sa ilang personalidad na malapit sa Palasyo.

Samantala, pabor si Marcos na bigyan na lang ng one peso budget kada taon ang DBM-PS at PITC para magamit ang nakagaraheng pondo sa pagbigay ayuda sa mga healcare workers at iba pang frontliners sa mga ospital. VICKY CERVALES

6 thoughts on “(Dahil sa PPE anomaly) PITC, DBM-PS PINABUBUWAG”

Comments are closed.