NABAWASAN ang lugi ng National Food Authority (NFA) noong nakaraang taon kasunod ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sa datos na inilabas ng DOF, ang net loss ng NFA ay nasa P9.6 billion noong 2021, bumaba ng 37.8% mula sa P15.44-billion net loss na naitala noong 2020.
Ayon sa Corporate Affairs Group ng DOF, hindi kasama sa net loss ang P30.65-billion subsidy support ng NFA mula sa national government noong 2020, at ang P7.46 billion noong 2021 na kumakatawan sa conversion ng subsidy advances ng pamahalaan.
Ang Rice Tariffication Law ay naging epektibo noong March 5, kung saan nagpataw ng 35% taripa sa imports mula sa mga kapitbahay sa Southeast Asia.
Ang batas ay nilagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte noong Pebrero ng parehong taon.
Pinahihintulutan ng batas ang unlimited importation ng bigas basta kukuha ang private sector traders ng phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry at magbabayad ng 35-percent tariff para sa shipments mula sa mga kapitbahay sa Southeast Asia.
Naglaan din ang batas ng P10 billion para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), kung saan P5 billion ang ilalaan sa farm mechanization at P3 billion sa seedlings.
Layon ng pondo na matiyak na hindi malulunod ng rice imports ang agriculture sector at hindi mawawalan ng kabuhayan ang mga magsasaka.