(Dahil sa sobrang init ng panahon) ONLINE CLASSES MULING IPATUTUPAD

LAGUNA- INATASAN ni DepEd Region 4A Director Dr. Alberto Escobarte ang lahat ng school officials sa rehiyon na magpatupad ng suspensiyon ng klase at magdaos ng modular distance learning sa kanilang nasasakupan kung nakakaranas o pumalo sa 40 degrees Celsius ang temperatura o init ng panahon.

Ito ang nilalaman ng Regional Memorandum order 233-2024 na inilabas ng tanggapan ni Escobarte kung saan binibigyan nito ng kapangyarihan ang lahat ng school officials ng lahat ng pampublikong paaralan sa buong Southern Tagalog na suspindihin ang klase sa oras na sobrang init ang panahon.

Ayon kay Escobarte, responsibilidad ng mga school officials ang kapakanan at kaligtasan ng mga guro maging ang kalusugan ng mga ito at ng mga mag- aaral.

Maaari umanong maapektuhan ng nararamdaman init sa paligid ang kalidad ng pagtuturo ng mga guro sakaling tumaas ang temperatura sa loob ng silid paaralan.

Hindi rin umano nakukuhang makinig ng mga estudyante sa itinuturo ng mga guro dahil init ng panahon.

Nilalaman din ng memorandum na maghanap ng alternatibong pamamaraan ang mga guro at school officials para sa ikagagaan ng klase ng bawat mag-aaral.

Kasama sa ipinanukala ang pagpapaiksi ng oras ng klase ng mga bata; pagdadagdag ng bilang ng mga electric fan sa loob ng silid aralan, panatilihin malakas ang daloy ng tubig sa mga gripo ng school campus, payagan makapag- suot ng komportableng damit ang mga guro at estudyante at lumipat sa malilim na lugar ang klase para maibsan ang init sa paligid at higit sa lahat suspindihin ang klase kung kinakailangan.

Ayon pa kay Dr. Escobarte, inaprubahan ng buong Regional Management council ng DepEd Region 4a ang panukala base sa mga kasalukuyang isyu ng mainit na panahon sa bansa.

Inatasan din ni Dr. Escobarte ang lahat ng School Officials sa rehiyon na agad na makipag- ugnayan sa LGU officials at DepEd provincial Superintendent kung sakaling magpapatupad ng modular distant learning activities sa kanilang area of responsibility.
ARMAN CAMBE