(Dahil sa trapik – Biz group) P3.5-B NAWAWALA SA EKONOMIYA ARAW-ARAW

NANINIWALA ang isang business group na dapat magdeklara ang pamahalaan ng state of calamity sa Metro Manila sa gitna ng lumalalang krisis sa trapiko.

Ayon sa Management Association of the Philippines (MAP), pumapalo sa P3.5 billion ang nawawala sa ekonomiya ng bansa araw-araw dahil sa matinding trapik.

Sinabi ng kanilang Transportation and Infrastructure Committee Chair Eduardo Yap na ang kalamidad na nagdudulot ng P1 bilyong pinsala ay sapat na para magdeklara ng state of calamity sa isang lugar.

Ani Yap, ang Pangulo ng bansa ay maaaring humingi ng emergency powers upang makapagkaloob ng emergency relief measures sa isang state of calamity.

Ginawa ng MAP ang pahayag makaraang maimbitahan sa House of Representatives upang talakayin ang suhestiyon nito sa pagtugon sa trapik sa Metro Manila.

Naunang sinabi ng grupo na dapat magtalaga ang pamahalaan ng isang traffic czar upang tugunan ang problema sa trapiko sa Metro Manila–isang panukala na ibinasura ng Metro Manila Development Authority (MMDA).