TAIPEI – KUMPIYANSA si Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Lito Banayo na mauunawaan ng mga Taiwanese employer ang kanilang mga Filipino na manggagawa na ngayon pa lamang makababalik doon dahil sa ipinatupad na travel ban.
Tiniyak ng Pinoy officials sa Taiwan na hindi gagantihan o babalikan ng employer ang mga naantalang tauhang Pinoy dahil sa katatanggap lang na travel ban.
Sinabi ni Banayo na makakaasa ang returning OFWs sa Taipei na protektado ang mga ito ng kanilang koordinasyon sa Taiwanese government.
Magugunita na maraming OFW na nagbakasyon ang hindi agad nakabalik sa Taiwan matapos ipatupad ng pamahalaan ng Filipinas ang ban noong February 11.
Dagdag pa ni Banayo, mismong Ministry of Labor ng Taiwan ang nakipag-usap sa mga employer doon para i-extend ng mga ito ang kontrata ng mga Pinoy na na-miss ang flights dahil sa travel restriction.
Iginiit naman ng opisyal na nananatiling kalmado ang sitwasyon ng coronavirus disease (COVID-19) sa Taiwan dahil sa mga nakalipas na araw ay wala umanong naitatalang bagong kaso. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM