(Dahil sa turbulence) OFW OOPERAHAN, ISA PA NASA ICU

MAHIGPIT na binabantayan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng limang Pinoy na nasaktan nang makaranas ng matinding turbulence ang kanilang Singapore Airlines flight mula London patungong Singapore noong Martes.

Sa isang advisory, sinabi ng DMW na ang babaeng Singapore-based overseas Filipino worker (OFW) na naunang napaulat na nagtamo ng neck fracture at  back injuries ay nakatakdang sumailalim sa operasyon.

Wala pang impormasyon sa treatment o surgery options para sa kanyang back injuries subalit sinabi ng DMW na ang kanyang kalagayan ay stable bagama’t “sensitive.”

Samantala, nasa stable condition naman ang tatlong iba pang Pinoy — isang pamilya na may tatlong miyembro na kinabibilangan ng isang two-year-old male infant, ang kanyang ina na isang United Kingdom-based Filipina staff nurse, at kanyang mister.

Sinabi ng Migrant Workers Office (MWO) ng DMW sa  London na ang ina ay permanent resident na sa UK, habang ang kanyang mister ay nasa dependent’s visa.

Iniulat din ng MWO-London na ang ika-5 Filipino passenger, isang 62-anyos na lalaki, ay kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) makaraang  mawalan ng malay.

“Doctors are monitoring his condition for further evaluation and treatment. A nephew based in Bangkok is assisting him,” nakasaad sa advisory.

(PNA)