(Dahil sa twin explosions sa Jolo,Sulu) MARTIAL LAW IPINADEDEKLARA

INIREKOMENDA ni Philippine  Army Chief Lt Gen. Cirilito Sobejana ang muling pag­dedeklara ng Martial Law sa Mindanao partikular sa lalawigan Sulu kasunod ng naganap na dalawang suicide bom­bing incidents na ikinasawi ng 17 katao kabilang ang ang dalawang suicide bomber.

“The situation dictates, calls for, kasi yun with that recent incident, eh ang daming casualties, to better control the population, I think it is wise na ideklara muli ang Marial Law,” ani Sobejana.

Ayon kay Sobejana, irerekomenda niya ang nasabing panukala alinsunod sa tinatawag na chain of command mula sa AFP chief of staff, secretary of National Defense patungo kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Layunin nito na agad na maibalik sa normal ang pamumuhay sa Sulu at makontrol ang movement ng mga tao  at maging ang galaw ng mga kalaban.

“Ang intention is to ensure na kontrolado, everything is being controlled, ito especially the movements of the terror groups, tulad dati meron tayong number coding, bawat munisipyo kino-color code natin yung mga sasakyan nila, pandagat o panlupa…, so monitored natin kung kaninong, san galing yung vehicle, sino ang mayari, so ngayon kung meron tayong ganung palatandaan ay ala­nganin silang gumamit ng, or yung iba naman ayaw alanganin nang magpapahiram, otherwise, kung ninakaw pwede nilang gamitin diba, “ diin ni Sobejana.

Gayundin, aniya na posibleng  tumagal umano ang pagpapairal ng batas militar depende sa situwasyon. VERLIN RUIZ

IS MILITANT GROUP INAKO ANG TWIN BLASTS SA SULU

INAKO ng Islamic State militant group ang dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu noong Lunes kung saan 17 katao ang namatay habang 70 naman ang nasugatan.

Ito ang lumabas sa online website ng Estados Unidos na nagmomonitor sa mga website ng militanteng grupo ng mga Muslim kung saan nagpalabas sila ng pahayag na inaako ang naganap na twin blasts batay sa ulat ng IS East Asia province.

Sa nasabing website, nagagalak umano ang mga IS supporter sa buong mundo sa naging resulta ng pambobomba kung saan maraming mga sundalo, pulis at mga sibilyan na namatay at nasugatan.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Philippine Army Commanding General, Lt. General Cirilito Sobejana, dalawang babaeng suicide bombers ang nasa likod ng magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu kung saan isa dito ay isang Indonesian national.

Kinilala nito ang dalawang babaeng suicide bombers na si alias Nanah ng probinsiya ng Basilan at asawa ni Norman Lasuca ang kauna-unahang Pinoy suicide bomber.

Batay sa intelligence report, ang babaeng bomber ay biyuda ng local terrorist na si Norman Lasuca na pinakaunang Pinoy suicide bomber sa pagpapasabog sa military camp sa Indanan, Sulu noong June 2019.

Kabilang sa militar na namatay sa kambal na pagsabog ay sina S/Sgt. Louie Cuarteros, S/Sgt. Manuelito Oria, Pvt John Rey Paller, Pvt James Apolinario, Pvt Juvienjay Emlani, Pvt Omair Muksan, pawang miyembro ng 21st Infantry Batallion at Pvt John Agustin na miyembro ng 35th Infantry Batallion. MHAR BASCO

MINDANAO BANTAY- SARADO SA  PCG

IPINAG-UTOS ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral George Ursabia Jr., na isailalim sa red alert status ang  buong puwersa kasunod ng dalawang insidente ng pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 17 katao at ikinasugat ng 70 iba pa kamakalawa ng tanghali.

Inatasan din ni Ursabia ang lahat ng coast guard field unit na bantayan ang karagatan at mga dalampasigan sa Southwestern Mindanao kabilang na ang Zamboanga, Basilan, Sulu, at Tawi-tawi.

Ang mga tauhan ng PCG sa nasabing rehiyon ay kasalukuyang tumutulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon sa insidente partikular sa pagtugis sa mga nagsagawa ng pagpapasabog.

Inalerto ng PCG ang kanilang tauhan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente  laban sa mga susunod pang banta sa seguridad habang patuloy din ang pagtulong ng tropa sa mga nasugatan.

Inatasan din ni Ursabia ang PCG K9 units, safety inspectors at patrol boat operators na ma­ging mas mapagmatyag sa pagbabantay sa mga ports, harbors at iba pang waterways sa rehiyon.

Nakahanda naman ang ilan pang K9 units ng coast guard para sa deployment para ayudahan ang  AFP. VERLIN RUIZ

Comments are closed.