TAGUIG CITY – DAHIL sa pinaigting na Enhanced Community Quarantine (ECQ) naitala ang malaking pagbaba ng porsiyento ng krimen sa Metro Manila.
Ibinida ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa mahigit 50 percent na pagbaba ng antas ng krimen.
Batay sa datos, pumalo sa 56.9 percent ang ibinaba sa antas ng krimen sa Metro Manila kung saan, nangunguna sa bumaba ang carnapping, rape, theft at robbery.
Ayon kay NCRPO Director P/MGen. Debold Sinas, dahil mas kakaunti na ang mga tao sa lansangan dulot ng “STAY at HOME” policy ay mas madali nang matukoy ang mga kriminal na gagawa ng kalokohan.
Sa kasalukuyan, nasa 25,350 mga pulis mula sa NCRPO ang nakakalat sa buong Metro Manila na siyang tumatao sa mga quarantine check-point.
Sinabi naman ni PNP Spokesman, BGen. Bernard Banac na hindi lang sa Metro Manila bumaba ang krimen kundi sa buong Luzon.
Aniya, napatunayan na malaki ang nagagawa ng police visibility sa pagbaba ng krimen.
Magugunita naman sa isang panayam ng PILIPINO Mirror kay Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ang Deputy Chief for Administration, na magiging deterrent ang mga itinayong checkpoints para pigilan ang krimen at hindi lamang para aa quarantine activities. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM