SINABI ni 1-UTAK chair Atty. Vigor Mendoza II posibleng marami sa public utility jeepneys (PUJs) ang hindi na bibiyahe pa dahil sa patuloy na pagtaas ng mga pruduktong petrolyo sa bansa.
“Talagang meron na hong hihinto. Hindi naman sa nagpo-protesta sila o ano pero talagang hindi na talaga kikita eh. Sa P12 [per liter diesel price increase] na ‘to, wala na hong iuuwi ang ating mga drayber.
Sabi nga ng mga operator, kung ganyan lang ang kita, bakit pa namin ilalabas? Baka pa maaksidente.
Tsaka ‘yung maintenance pa ng sasakyan,” pahayan ni Mendoza.
Una rito, sinabi ng Unioil Petroleum Philippines na tinatayang aabot sa P12.20 hanggang P12.30 ang itataas ng presyo ng diesel kada litro sa Marso 15 hangang 21.
Ayon naman kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda, ang nasabing pagtaas ay isang malaking sorpresa sa mga driver dahil malaki ang epekto nito sa kanilang kabuhayan.
“Bakit ginagawang lingguhan (ang pagtaas ng presyo) eh hindi naman tayo lingguhan nag-aangkat ng petrolyo? Ito naman ay batay sa datos, mayroon tayong 30 to 40 days na stock sa ating bansa. Pero bakit hinahayaan ng gobyerno ang ginagawa ng oil companies?” giit ni Floranda sa isang panayam sa Radyo.
Aniya, ilang jeepney operators na ang nagbawas ng halaga ng boundaries sa 60% upang matulungan ang kanilang mga driver.
Inirekomenda rin niya sa mga awtoridad na magtalaga ng lugar na hihintuan o designated stops ng mga PUJs upang matulungan ang mga driver na makatipid ng krudo sa 5% kada linggo o P75 hanggang P100 kada araw.
“One of the reasons bakit ‘yung konsumo ng krudo natin aabot ng 30 liters, we think we could reduce the number of liters kung babawasan namin ‘yung loading and unloading area kasi ang jeep kahit saan na lang humihinto,” dagdag pa ng PISTON national president. EVELYN GARCIA