QUEZON- NAMATAY ang isang 38- anyos na magsasaka samantalang grabeng nasugatan ang 14-anyos na anak nito makaraang makuryente habang hinahabol nila ang isang ‘wild cat’ sa Sitio Baog, Barangay ilayang Yuni, Mulanay sa Quezon nitong Martes ng umaga.
Sa report na isinumite ni Major Marlon Comia, Mulanay police chief kay Police BGeneral Carlito Gaces, Calabarzon police director, nakilala ang mga biktima na sina Mario Sabalboro at ang grade 8 nitong anak na si Marian.
Sa pahayag ni Comia, ang mga biktima na kapwa residente ng Sitio Cambangli, Barangay Patabog ay nagtungo sa Sitio Baog para gumawa ng uling nang makita nang mga ito ang isang wild cat.
Sa kagustuhan ng mag- ama na mahuli at maiuwi ang pusa, hinabol ito ng dalawa hanggang sa mapunta sa loob ng isang private property na pag-aari ni Jaime Constatino Rey.
Pumasok umano si Sabalboro sa loob ng compound hanggang sa mahawakan umano nito ang isang kawad na konektado sa isang live wire.
Dead on the spot ang matandang Sabalboro habang sugatan naman si Marian nang tangkain nitong hilahin ang ama na nakahawak sa live wire.
Mabilis na naisugod ang mga biktima sa Bondoc Peninsula Medical Center subalit ang anak lamang nito ang nakaligtas sa insidente.
Iniimbestigahan pa ng Mulanay police station ang pangyayari.
ARMAN CAMBE