DAILY VACATION BIBLE SCHOOL PARA SA MGA KABATAAN

BIBLE SCHOOL

(TEXT AND PHOTOS NI MHAR BASCO)

MATINDING sakripisyo at debosyon ang inilaan ng 76 volunteers ng Church of God (COG-ABC) na naging guro para maibahagi ang values formation sa 700 kabataan sa loob ng li-mang araw na Daily Vacation Bible School na ginanap sa Soldiers Hills IV Ele­mentary School sa Bacoor City, Cavite.

Nagsimula ang programang DVBS nitong Abril 22 hanggang 26, 2019. Umabot sa 19 silid-aralan ang inakupa ng mga kabataan na may edad 5 hanggang 15 kung saan pinahintulutan naman ng kani-kanilang mga magulang. Sa bawat silid-aralan ay may nakatalagang tatlong guro kung saan libre ang lahat ng materyales na kakailanganin ng mga estudyante sa oras ng klase. Binig-yan din ng oras ang mga kabataan para sa hindi matatawarang libreng pagkain na inihanda ng 30 volunteers na kusinero’t kusinera.

Sa pangunguna nina Pastor Jerry Cruzem, Pastor  Jhon Apawan, Bro. Jay Licuanan, Ma­rielle Barroso at iba pang opisyal ay sinimulang planuhin ang programang DVBS na may temang “Shield Squad” noong Disyembre 2018. May kasabihang “kapag may tiyaga, may biyaya, kaya sa pagkakaisang pana­langin ng mga kapatiran ay nagsumite ng letter of request ang mga opisyal ng COG-ABC Vista Mall sa nabanggit na venue.

Sa biyaya ng Diyos na buhay, noong ikalawang Linggo ng Enero 2019 ay binigyan sila ng go-signal ng pamunuan ng Soldier Hills IV Elementary School at mga opisyal ng Barangay Hall na free-of-charge na okupahan ang 19 silid-aralan. Walang imposible sa Diyos kapag nanalangin ang mga kapatiran kaya bumuhos ang biyaya para sa gastusin sa DVBS 2019 kung saan may malaking halaga pa ang naiwan.

Kabilang sa prebilehiyong natutunan ng mga kabataan mula sa limang araw na Bible school na sinimulan bandang alas-9 ng umaga hanggang alas-11 ng umaga ay ang Memory verses, Bible stories, awitin, laro, drawing, at iba pa na naaayon sa Bibliya. Sa ika-5 araw ng DVBS ay ang graduation ceremony na bibigyan ng sertipiko ang bawa’t kabataang nagtapos. May ibinigay ding medalya sa ilang kabataang may angking talino sa Bible stories at Memory verses. Noong mailunsad ang kauna-unahang vacation Bible school sa ibang bansa, ito ay tumatagal ng apat hanggang anim na linggo para sa mga kabataan na walang pagkakataong dumalo sa pagsamba. Sa nakalipas na maraming taon ay naituro ng mga volunteers ng COG-ABC Vista Mall ang values formation sa sampung elementary school sa Aniban, Zapote, Ligas 3, Dona Alicia, Bayanan, Talaba, Maliksi, Gov. Espiritu P.F., Queensrow, at ang Gawaran Elementary School.

Layunin ng programang DVBS 2019 ay para makatulong sa mga kabataang edad lima hanggang 15 taon at maging ang kanilang mga magulang na nag­hahanap ng tamang daan, makatotohanan at tamang buhay na may libreng serbisyo mula sa kanilang mga gagamiting materyales hanggang sa kanilang mga kakainin. Inihahanda ang mga kabataan sa kasalukuyang problemang bumabalot sa ating bansa. Sa panahon ngayon, sinasabi sa Bibliya na sa mga huling araw mas papaboran ng tao ang maling bagay kaysa tama. Inaari ng dilim ang liwanag at liwanag ang dilim (Isaias 5: 20). Ang mga kabataan ay babad sa mga “cartoons” na bayolente, mala-laswa na panoorin sa telebisyon at mga sinihan, mga ‘di kanais-nais na diyaryo, drug trade, paglalasing, at unti-unting pagbaba ng moral/dangal ng ating lipunan.

Ang kasaysayan ng Vacation Bible School ay nagsimula noong 1894 kung saan si Mrs. D.T. Miles na isang Sunday school teacher ay matiyagang nagturo ng daily Bible school sa 40 estudyanteng kabataan sa loob ng apat na linggo. Dito na sumunod sa yapak ni D.T. Miles, ang director ng children’s department ng Epiphany Baptist Church sa New York City na si Eliza Hawes na sinimulan ang “Everyday Bible School” sa bahagi ng saloobin para sa mga maralitang kabataan. Umabot sa anim na linggo ang Bible school noong 1898. Kabilang sa daily Bible school na naituro ni Hawes ay musika, Bible stories, Memory verses, laro, cook-ing drawing at iba pa. Nagpatuloy ang Bible school ni Hawes sa loob ng pitong taon hanggang sa magretiro na siya subalit nakapag-tatag siya ng pitong iba pang summer program na Bible school. Sa mga sumunod na taon ay sinundan ng iba’t ibang Baptist Churches ang yapak ni Hawes para maipagpatuloy ang DVBS.

Samantala, malugod na nagpapaabot ng pasasalamat ang pamunuan ng COG-ABC Vista Mall sa lahat nang tumugon para sa nasabing programa na layu­ning maipamulat sa mga kabataan at sa kanilang mga magulang ang kahalagahan ng Daily Vacation Bible School.

Comments are closed.