DALA NG HALIMUYAK NG SAMPAGUITA ANG MAGANDANG KITA PARA SA PAMILYA

“ANG bangu-bango… Ang bangu-bango… Ang bangu-bango ng bulaklak. ‘Pag inaamoy, ‘pag inaamoy, ‘pag inaamoy, kay sarap. Ang bangu-bango, ang sarap-sarap, amuyin ng bulaklak….”

Mga linyang hinding-hindi malilimutan sa tuwing maririnig ang awiting “bulaklak” na pinasikat ng grupo Viva Hot Babes.

At isa sa pinakamabangong bulalak ay ang Sampaguita na siyang ikinabubuhay ni Remarie Batugal, 23-anyos, may asawa at isang anak. Tubong Cagayan Valley at kasalukuyang naninirahan ngayon sa Brgy. Bunga, Tanza Cavite.

Nagbuhat pa sa San Pedro, Laguna ang mga itinitinda sampaguita ni Marie na talagang dinarayo pa niya para lamang ma­makyaw ng bulaklak.

Katuwang ang kanyang asawa na si Jorsen Gracilla ay magdamag nilang inaayos ang ititindang sampaguita.

Ibinababad nila sa maraming yelo ang Sampaguita upang mapanatili ang magandang katangian ng bulaklak.

Kayang abutin pa ng ilang araw ang Sampaguita na gamit ang panaling abaka na may habang pang-kuwintas sa leeg na nilusot sa butas ng bulaklak.

At lagyan pa ng dahon ng ilang-ilang bilang dekorasyon sa ilalim na bahagi nito na tila kuwintas.

Maingat itong inihihiwalay sa bawat taong bumibili.

Nabatid na bago pa ang pagtitinda ng Sampaguita, dating kahera sa kantina sa Maynila si Marie kung saan dito na rin niya nakilala ang asawang si Jorsen.

Lumipas ang maraming taon, napadpad ang mag-asawa sa Cavite kasama ang nag-iisa nilang anak.

Taong 2020 nang pinasok ni Marie ang paglalako ng bulaklak na sampaguita.

Dito niya nakita ni Marie na ang magandang kita sa Sampaguita.

Kumikita lang naman si Marie ng P2,000 bawat araw at umaabot naman sa P3,000 kung araw ng Linggo.

Hindi maitatanggi ang iniiwang mabangong amoy ng Sampaguita na nakakatawag-pansin sa mga tao.

“Basta masipag ka lamang, mahaba ang pasensya at matiyaga ay  tiyak na hindi ka magugutom”, mensahe ni Marie.

Ilan lamang si Marie sa mga taong laman ng kalsada na naglalako at nagtitinda ng mabangong Sampaguita mabuhay lamang ang kanyang pamilya. SID SAMANIEGO