DALAGA PINAGTATAGA NG KAINUMAN NG AMA

AGUSAN DEL SUR- HAWAK na ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na responsible sa pananaga sa 22 anyos na coed na anak ng kanyang kainuman ilang oras matapos ang krimen sa bayan ng Sibagat sa lalawigang ito.

Sa ulat nadakip sa isinagawang follow-up operation ng Sibagat Municipal Police Station ang suspek na si Ricky Abarquez, 34-anyos, may live-in partner na tubong Pagadian City.

Patay sa ginawang pamamaga ng suspek ang biktima na graduating student na si Rezalyn Salahay, solong anak ng lalaking kainuman ng suspek.

Nabatid na naganap ang krimen nitong linggo sa loob mismo ng kanilang bahay sa Purok-4, Barangay Kulambogan bayan ng Sibagat,

Ayon kay Capt. Joel Ablan, Hepe ng Sibagat Municipal Police Station na bago pa ang pangyayari, masaya ng nag-iinuman ang suspek na kalilipat lamang sa nasabing lugar at ama ng biktima na nagdiriwang ng kanyang birthday at ilang bisita.

Sinasabing nagkaroon ng argumento ang suspek at ang dalaga at nang umuwi na ang ibang mga bisita at nakatulog na rin ang ama nito dahil sa kalasingan sinaksak ng lasing na suspek ang biktima.

Hiniling na isalang sa medico legal examination ang labi ng biktima para mapatibay ang kasong isasampa laban sa salarin. VERLIN RUIZ