DALAGANG PA-ABROAD, 2 KA-TROPANG PUSHERS NALAMBAT SA BUY BUST

BULACAN- TATLO katao kabilang ang isang dalagang nakatakdang mag-abroad sa bansang Qatar ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit(SDEU) ng Pandi police makaraang kumagat sa inilatag na buy-bust operation sa Barangay Bunsura,Pandi kamakalawa ng hapon sa lalawigang ito.

Base sa isinumiteng report kay Col.Rommel Ochaves, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang mga nadakip na sina Ehdiel Jun Estanislao ng Barangay Santol; Rolan Sorita ng Barangay Borol 1st, kapwa sa bayan ng Balagtas at Rozanne Zuniga alias Tweet, 25-anyos ng Barangay Bunsuran 2nd,Pandi.

Bandang alas-3 ng hapon nang magkasa ng buy-bust operation ang SDEU ng Pandi police sa Barangay Bunsura 2nd, Pandi at kanilang target ang magkakatropang suspek na nagbenta ng droga sa undercover policeman kaya kaagad silang dinakip at nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang limang pakete ng shabu, cellphone, pouch at buy-bust money.

Ayon sa suspek na si Zuniga na napagalitan siya ng kanyang ama kaya nagtungo siya sa kanyang dalawang kaibigang tulak na kung saan hinhintay na lamang nito kanyang flight schedule patungong ibang bansa para magtrabaho ngunit natiklo siya sa anti-illegal drug operaqtion ng SDEU operative ng Pandi.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 ang tatlong suspek na kaagad ipinasailalim sa drug test sa Bulacan Provincial Crime Laboratory-Malolos. MARIVIC RAGUDOS